MAY pagkilos daw para ipabagsak si Pangulong Digong, ayon sa kanyang mga kapanalig, na tinagurian nilang ‘LeniLeak’.

“Maaaring hindi ito alam ni VP Robredo,” wika ni Presidential Communication Officer Martin Andanar,” pero mga taga-opisina niya ang sangkot dito.” Mayroon daw kasing lumabas sa social media na binubuo ang ganitong plano at pinaiimbestigahan na nila ito. Eh, ang sinabing kasama sa plano ay si Loida Nicolas Lewis na itinanggi naman ang paratang sa kanya. Inaamin niyang pinagre-resign niya ang Pangulo dahil hindi niya natupad ang pangako niyang masusugpo ang krimen at ilegal na droga sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, pero hindi ko, aniya, siya pinatatalsik sa puwesto.

Si Pangulong Digong ay hindi naman nababahala sa balitang ito na may nais magpabagsak sa kanya. Ang higit na namomroblema ay ang kanyang mga kapanalig. Alam ng Pangulo na dahil sa kanyang ginagawa ay may nagagalit sa kanya.

Kaya, nakahanda umano siya na harapin ito kahit ang kabayaran ay ang kanyang posisyon. Pero, hindi nakahanda ang kanyang mga kapanalig para rito. Kasi, natikman na nila ang puwesto sa gobyerno eh, napakahirap nang iwan ng mga tinatamasa nilang biyaya at kapangyarihan lalo na’t hindi pa sila nagtatagal dito. Kasama sila ng Pangulo na dadamputin sa kangkungan kapag bumagsak ito.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Pero, sa aking palagay, ang ginagawang ito ng mga kapanalig ng Pangulo ay para sirain lang si VP Leni. Sino’ng magtatangkang ibagsak ang Pangulo gayong napakataas ng approval rating niya sa mamamayan? Walo sa sampung mamamayan, ayon sa Pulse Asia Survey, ay nanalig sa kanya sa paraan ng pamamalakad niya sa gobyerno. Pero, ang Pulse Asia Survey rin ang nagturo sa kanila ng ganitong paraang kumatha ng LeniLeak.

Paano kasi, nang kumalas si VP Leni kay Pangulong Digong, ayon sa survey nito, bumagsak ang kanyang approval rating.

Makatutulong nang malaki kapag humina ang suporta ng taumbayan sa bise-presidente sa anumang maneobrang gagawin ng kasalukuyang administrasyon para matalo siya sa election protest na isinampa ng kanyang kalaban ... nitong nakaraang halalan na si dating Sen. Bongbong Marcos. Paglalatag ng batayan ang ginagawa ng administrasyon para sa pagpasok ni Bongbong at isa na nga rito ay pagbintangan si VP Leni na pinababagsak si Pangulong Digong.

Kaya, mabigat ang dahilan kung bakit dapat mabahala si VP Leni sa pagbagsak ng kanyang approval rating. Lalakas ang “Oplan Marcos for Vice-president.” Dapat ikabahala rin ito ng lahat ng mamamayan, maging ng millennial, dahil mauulit ang madilim nating kasaysayan nang magdeklara ng martial law ang ama ni Bongbong. (Ric Valmonte)