Walang-awang pinagbabaril ng pitong suspek ang isang lalaki sa sarili nitong bahay sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Alvin Ronald De Chavez, 26, alyas “Ron-Ron”, ng Quintos Street, Barangay San Jose ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng iba’t ibang kalibre ng baril sa ulo at katawan.
Sa salaysay ni Antonio Sigue, kapit-bahay ng biktima, kay PO2 Allan Bangayan, bandang 11:30 ng gabi nangyari ang pamamaril.
“Nanonood pa ako ng telebisyon nang makarinig kami ng sunud-sunod na putok ng baril sa bahay ni De Chavez,” kuwento ni Sigue.
Palihim umanong sumilip si Sigue sa kanilang bintana matapos huminto ang putukan at nakita nito ang pitong lalaki na naglalabasan sa bahay ng biktima.
“Naka-bonnet ‘yung pitong mama at malalaki ang katawan tapos may hawak pang mga baril,” dagdag pa ni Sigue.
Ayon pa sa saksi, sumakay daw sa apat na motorsiklo ang mga salarin na parang walang nangyari.
“Nang matiyak ko na wala na ‘yung mga lalaki, pinuntahan ko si De Chavez at nakita ko na duguan at wala nang buhay,” sambit ni Sigue.
Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ang limang basyo ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kinalaman ito sa ilegal na droga. (ORLY L. BARCALA)