Nasawi ang kasambahay ng isang pulis matapos pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Valenzuela City, kamakalawa ng madaling araw.

Duguan at hindi na naisugod pa sa ospital si Robbie Ellador, 18, tubong Negros Occidental, stay-in sa bahay ng kanyang amo na si PO1 Dino Lozano, ng No. 2411 Yakal Street, Lozano Compound, Old Prudon, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ni Lozano kay SPO2 Alexander Malano ng Station Investigation Unit (SIU), bandang 4:30 ng umaga, inihatid nito sa opisina ang kanyang misis at naiwan sa bahay ang kanyang dalawang taong gulang na anak at si Ellador.

“Pagkatapos kong ihatid si misis tumuloy na ako sa bahay kasi ako naman ang papasok sa trabaho, nagulat ako bukas ang pintuan namin,” ani Lozano.

Metro

Maynila, may pa-'LapLuvan' sa Peb. 13

Kinabahan na umano ang pulis nang makitang may mga dugo sa sahig kaya mabilis siyang umakyat sa second floor ng kanilang bahay at nakitang duguang nakahandusay si Ellador habang yakap-yakap ng kanyang anak.

Sa imbestigasyon ni Manalo, sa terrace dumaan ang suspek na ang motibo ay pagnakawan si Lozano.

Posible aniyang nanlaban at nakilala ni Ellador ang magnanakaw kaya ito pinatay.

Wala namang gamit o pera na nawala sa bahay ng pulis. (Orly L. Barcala)