NAPAG-ALAMAN ng mga eksperto na para mapanatiling malusog at matalas ang utak, dapat maging prayoridad ang pagkakaroon ng sapat na pagtulog kapag nagkakaedad na.
Isinagawa ang bagong pag-aaral ng Global Council on Brain Health, na magkasamang binuo ng Age UK at ang AARP.
Ayon sa pag-aaral, mas mahirap gumawa ng tulog habang tayo ay nagkakaedad. Nagbabago ang sleeping pattern, kaya mas madaling magising tuwing gabi at umaga.
Ang nararamdamang katamaran ay karaniwang nararanasan ng mga taong hindi sapat ang tulog, ngunit iilan ang nakakaalam sa katunayan na mas nanganganib ang mga taong laging kulang sa tulog sa pagkakaroon ng sakit sa puso, obesity, diabetes, fall-related injuries, at cancer.
“Sleeping is something we all tend to take for granted, but we really have to wise up to the fact that getting the right amount of good sleep is crucial as we age, helping to protect us from all kinds of problems that can affect our brains as well as our bodies.” – saad ni James Goodwin, Chief Scientist sa Age UK.
Isinama sa ulat ang ilang tips para sa mga nasa middle age pataas para mapabuti ang kalidad ng pagtulog, na kabilang ang mga sumusunod:
Bumangon sa parehong oras araw-araw
Magbilad sa araw tuwing umaga.
Huwag uminom ng alak para makatulog
Kumain ng hapunan tatlong oras bago matulog
Huwag uminom ng kape pagkatapos ng tanghalian
Huwag tumingin sa anumang uri ng electronic screen tulad ng tablet, phone at laptop pagbangon mula sa kama
Iwasang uminom ng anumang gamot na pampatulog
Magsuot ng medyas sa higaan upang mapanatiling maligamgam ang paa
Huwag matulog na kasama sa higaan ang alagang hayop
Iwasang makipagtalo sa asawa o partner bago matulog
Limitahan sa 30 minuto ang pag-idlip sa tanghali (Medical News Today)