Nais maitaguyod ni Pangulong Duterte ang mahalagang pakikipagtulungan ng mga ehekutibo ng lokal na pamahalaan sa pakikipaglaban sa droga at kriminalidad at para mapabilis ang mga reporma sa bansa.
Binigyang-diin ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang kinakailangang kooperasyon ng local government units isang araw pagkaraang makipag-usap si Presidente Duterte nang “puso sa puso” sa mga mayor sa buong bansa sa Malacañang nitong Miyerkules.
“Addressing the problems in society, the problem of drugs, the problem of terrorism are not just the job of the police, military and the President. To hasten the solution of these problems, we also need the help of local government executives, the mayors,” pahayag ni Andanar sa isang panayam sa radyo.
Inamin ni Andanar na ang mga lokal na opisyal lalo na ang mga mayor ay itinuturing na “mga pangulo” sa kani-kanilang nasasakupan “so we must work together.”
“It is important for the executive and the local government units to be partners to hasten the implementation of reforms that we want for the country,” aniya, at sinabi na ang publiko ay nakikipagtulungan na sa Duterte administration simula noong unang araw pa lamang nito.
Sinabi ni Andanar na “very intimate” at “highly confidential” ang pakikipagpulong ng Pangulo sa mga mayor. Ang mga pulong ay pangkat-pangkat na isinagawa kasama ang mga mayor mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
“First of all, it was a closed door meeting. The President wanted to have private time with the local executives for a heart-to-heart talk,” sabi niya.
Bago ang pulong ay nagpahayag ang Presidente na nais niyang ipatawag ang mga mayor upang komprontahin ang ilan sa mga ito sa pagkakasangkot sa droga. Nagbabala siya sa mga mayor na kailangan silang maging malinis, mag-resign at kung hindi ay maaari silang mamatay. (Genalyn D. Kabiling)