MELBOURNE, Australia (AP) — Mapapalaban ng todo si six-time Australian Open champion Novak Djokovic sa unang round pa lamang nang mabunot na karibal ang matikas na si Fernando Verdasco, habang mabigat ang laban ni Roger Federer sa quarterfinal laban kina top-ranked Andy Murray, No. 5 Kei Nishikori at No. 10 Thomas Berdych sa pagbaba ng kanyang world ranking.
Sa ginawang draw para sa unang major event ngayong season nitong Huwebes (Biyernes sa Manila), nabunot ng Serbian defending champion si Verdasco, sumilat sa kababayang si Rafael Nadal sa first round dito sa nakalipas na season.
Pahirapan ang laro ni Djokovic kay Verdasco bago nakalusot sa semifinals ng Doha Open may isang linggo ang nakalilipas.
Makakaharap naman ni six-time women’s champion Serena Williams, target ang ika-23 Grand Slam singles title sa Open-era, si Belinda Bencic sa opening round. Nakalinya rin sa kanyang kampanya sina No. 9 Johanna Konta, No. 17 Caroline Wozniacki at No. 6 Dominika Cibulkova.
Nabunot naman ni top-ranked Angelique Kerber, nagwagi kay Williams sa nakalipas na final para sa kauna-unahang Grand Slam title, si Lesia Tsurenko.
Sumailalim sa operasyon sa kaliwang tuhod si Federer nitong Pebrero matapos makaabot sa Australian Open semifinals.
Natuldukan ang kanyang record 65 consecutive major event nang hindi makalaro sa French Open at dumanas ng kaliwa’t kanang kabiguan sa kabuuan ng 2016.
Bumaba sa No.16 ang world ranking ng 35-anyos at 17-time Grand Slam winner sa pagtatapos ng 2016 matapos magwagi si Grigor Dimitrov kay Ken Nishikori sa Brisbane International kamakailan.
Makakalaro niya ang dalawang qualifier sa unang dalawang round at nakalinya rin kung papalarin sina dating Wimbledon finalist Berdych sa third round at 2014 U.S. Open finalist Nishikori sa fourth round.
Mapapalaban naman si No.1 Andy Murray sa opening round kay Illya Marchenko at posibleng makasagupa sa susunod na round si No. 31 Sam Querrey, sumilat kay Djokovic sa nakalipas na Wimbledon.