Hindi papayagan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez na makapagtayo ng underwater theme park sa Coron, Palawan.

Aniya, hindi niya pahihintulutang matuloy ang anumang proyekto na makasisira sa kapaligiran at makaaapekto sa mga pamayanan sa lugar.

Ito ang reaksiyon ni Lopez sa plano ng Viacom International Media Works, parent company ng television network na Nickelodeon, na magtayo ng underwater theme park sa Palawan.

“That’s our wealth. It’s not allowed. You can’t kill the corals. For a theme park? No. No way, man. The commitment of the government is first and foremost and always, always to the benefit of our people,” ani Lopez.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Lunes nang ihayag ng nasabing kumpanya na magtatayo ito ng “themed attraction” na hango sa cartoon characters ng network, katulad ng “Dora the Explorer” at “SpongeBob Squarepants” bilang bahagi ng 400-ektaryang pagagandahin sa Coron, na bubuksan sa publiko sa 2020.

Labis naman itong ikinaalarma ng mga environmental group, at iginiit na ang Palawan ang tinaguriang “last ecological frontier” ng bansa dahil sa kaakit-akit nitong baybayin at kagubatan na namumukod-tangi sa Southeast Asia.

Bukod dito, nasa Palawan din ang dalawang UNESCO World Heritage-listed site, na kinabibilangan ng isang subterranean river at ng Tubbataha coral reefs.

Samantala, handa naman ang Department of Tourism (DoT) na makipag-usap sa mga partidong nagpaplano ng underwater theme park.

Sa Twitter, sinabi ni Tourism Undersecretary Kat De Castro na makikipag-usap ang DoT sa mga sangkot sa proyekto.

“The underwater park being planned by Nickelodeon has reached us at the DOT…. We will talk to all parties involved in the project,” ani De Castro.

Nilinaw naman ng opisyal na hindi siya kumbinsido sa nasabing proyekto.

“As a diver, personally, I have doubts,” sabi ni De Castro. “Honestly, Coron is already beautiful in its natural state.” (ROMMEL P. TABBAD at CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE)