NGAYON lamang ako nakarinig ng madaliang pagpapaaresto at deportasyon sa mga dayuhang nagpapataw ng mataas na patubo sa kanilang ipinauutang. Maliwanag na ang utos ni Pangulong Duterte ay nakatuon sa mga Indian national na lalong kilala bilang mga Punjabis na matagal nang namamayagpag sa ating bansa; abala sila sa “5-6” landing scheme na kinahuhumalingan ng mga tindera at maliliit na negosyante na napipilitang kumagat sa high interest rates.
Ang direktiba ng Pangulo ay ipagbibigay-alam na rin sa Indian Ambassador sa Pilipinas upang matuldukan ang nakapaghihinalang pagpapautang ng sinasabing mga dayuhang usurero; nakapagnenegosyo sila nang walang permiso dahil sa paglabag sa Philippine laws. Ang ganitong madayang sistema ng tinaguriang mga buwaya sa katihan ay ngayon lamang inaksiyunan sa kabila ng katotohanan na ito ay talamak na noon pa mang nakaraang mga administrasyon.
Maaaring hindi katanggap-tanggap sa mga tindera ang utos ng Pangulo, lalo na ang mga may-ari ng karinderya at sari-sari store. Nahirati na sila sa pangungutang sa mga Bumbay na kahit paano ay sumasagip sa kanilang kagipitan; kahit na sila ay madalas makipagtaguan at makipaghabulan sa mga naniningil; kahit na alam nila na ang kanilang pagnenegosyo ay maituturing na taliwas sa maayos na paghahanap-buhay o underground economy.
Maging ang mga magsasaka ay hindi nakaliligtas sa kasakiman ng ilang usurero, kabilang na ang ilang Chinese na nagmamay-ari ng mga tindahan ng kagamitan sa pagsasaka na tulad ng araro, suyod, abono at iba pa. Maluwag sila sa pagpapautang sa mga magbubukid subalit malaya rin naman sila sa pagpapataw ng mataas na patubo o interest rates.
Bunga nito, ang halos lahat ng inani ng mga magsasaka ay napupunta lamang sa kanilang pinagkautangan.
Naniniwala ako na ang ganitong nakapagngingitngit na 5-6 lending scheme na nakapapamayagpag dahil sa kahinaan ng sistema ng gobyerno sa pagpapautang sa maliliit na mamumuhunan, tulad nga ng mga tindera. Sa mga dambuhalang negosyante lamang tila nakakiling ang iba’t ibang lending institution ng pamahalaan.
Kailangan ngayon ang... madaliang pagpapatupad ng utos ng Pangulo hinggil sa paglalaan ng isang bilyong piso na ipauutang sa maliliit na negosyante. Ang pondo ay manggagaling sa Pagcor at PCSO, at ang mga mangungutang ay papatawan lamang ng 20 porsiyento bawat taon at ito ay babayaran sa loob ng isang taon. Higit na ibayong kaluwagan ito kaysa sa sinisingil ng mga gahamang usurero.
Ngayon na rin ang panahon ng paglipol sa mga buwaya sa katihan na kinabibilangan hindi lamang ng mga Indian kundi ng iba pang dayuhan at ng ilang kababayan natin na nagpapasasa sa pinaghirapan ng iba. (Celo Lagmay)