ANGELINE copy

AGAD kaming nagpa-schedule ng one-on-one interview kay Angeline Quinto through her handler, Ms. Cynthia Roque ng Cornerstone Talent Management, nang ibalita na sumampa siya sa andas ng Black Nazarene sa pista ng Quiapo nitong Lunes.

Dati nang naikukuwento sa amin ni Angeline na deboto siya ng Poong Nazareno, pero hindi niya nabanggit na 17 years na pala siyang sumasama sa prusisyon na nakayapak.

“Ate Reggs, nag-start po ako 10 years old kasi si Mama Bob (lolang nagpalaki sa kanya) po ang nagturo sa akin n’yon no’ng bata pa po ako. Kasi sa Sampaloc kami nakatira, do’n sa lugar namin, may imahe po kami ng Nazareno na laging isinasama sa prusisyon tuwing January 9.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

“Kaya natuto po akong sumama sa prusisyon nang nakapaa kasama sina Mama Bob. Nilalakad lang po namin mula bahay hanggang Quiapo,” simulang kuwento ng dalaga nang magkita kami nitong Miyerkules ng gabi.

Ano ‘yung viral video na sumampa siya sa andas ng Nazareno?

“Opo, four years ko na pong ginagawa na sumasampa para ipunas ‘yung panyo ko na may mukha ng Nazareno at itinatago ko po iyon,” sagot ng singer/actress.

Hindi ba mahirap umakyat sa andas na puro barakong lalaki ang nakapalibot sa andas at hindi ba siya natatakot na mawalan ng balanse at bumagsak sa dagat ng mga deboto?

“Hindi naman po, pero ‘yung unang-unang sampa ko po, medyo natakot ako kasi hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

Pero since may tumutulong sa akin na grupo, na taga-Makati Chapter sila, sila lagi ‘yung nasa likod ko kaya hindi ako nahirapang sumampa,” kuwento ni Angge.

“Hindi na po kaya ni Mama Bob sumali sa prusisyon kaya ako na lang po ‘yung sumasama kasama mga kaibigan kong taga-Sampaloc pa rin. May mga kaibigan na rin akong taga-ABS (-CBN) na sumama.”

Sino ang nauna sa kanila ni Coco Martin sa pagiging deboto ng Itim na Nazareno?

“Ay, Ate Reggs, hindi ko po alam kung ilang taon na, pero alam ko matagal na kasi sa Sampaloc din nakatira noon sina Coco. Ang alam ko, si Kabayang Noli (de Castro), matagal na kasi bata pa lang ako nakikita ko na siyang sumasampa,” sagot ng dalaga.

Hindi nakita ni Angeline sina Coco at Kabayang Noli nitong Lunes, “Pero magkasunod po kaming sumampa sa (Quirino) Grandstand, before po siya (Coco) dumating, kumanta ako.”

Si Noli de Castro ang nag-cover sa pista ng Quiapo at nasa mataas na bahagi ito para makunan ang mga nangyayari sa paligid ng simbahan.

Marami ang nabago sa buhay ni Angeline simula noong maging deboto siya ng Nazareno.

“Oo, Ate Reggs, napakarami talaga, pero ang lagi kong hinihiling talaga sa apat na taon kong pagsampa ay for Mama Bob, gusto ko lang sana ‘pag nagkaroon ako ng sarili kong family, nandidiyan pa siya. Saka hindi ako mawalan ng work.

Sa awa ng Diyos, may mga trabaho naman, kasi next month po, February, sixth year ko na sa showbiz,” napangiting sabi ng dalaga.

Nakakagulat, sa katunayan. Dahil sa loob lamang ng anim na taon ay naipagawa na ni Angeline ang kanyang dream house at nakabili na siya ng mga sasakyan para sa sarili at para sa Mama Bob niya.

May kulang pa ba sa mga naipundar na niya?

“Wala naman na po, siguro ipapa-renovate ko na lang ‘yung paupahang bahay namin sa Sampaloc. Kasi kay Mama Bob ‘yun, source of income niya ‘yun. Saka ‘yung bahay ko, hindi pa totally paid kasi naka-financing pa ‘yun, pero malapit na raw po matapos.”

Sabi ni Cynthia, handler niya, “Plano nga niya kapag kumita siya ng malaki, ibubuhos niya kaagad (bayad sa bahay) para madali nang matapos kasi ang laki rin ng tubo.”

Magkalapit lang ang subdibisyon nina Angeline at Coco kaya tinanong namin ang dalaga kung bakit hindi na lang siya kumuha ng bahay sa malapit sa aktor.

“Bakit naman po ako kukuha roon? Eh, nandoon si Coco?” balik-tanong sa amin ng dalaga.

Ang hirit namin, ‘Eh, ano naman? Hindi naman siya ang magbabayad?”

“Hayaan n’yo na, mas okay na magkaiba kami ng subdibisyon,” natawang sagot ni Angge.

Humirit ulit kami ng, ‘Hayan, iba tuloy ang tumira sa parehong subdibisyon nina Coco.’

“Hayaan mo na, Ate Reggs, mas okay sila,” tumatawang sagot ng singer/actress.

Hala, may alam si Angeline sa lovelife ni Coco?

Anyway, may isa pang ikinuwento ang biriterang singer na talagang ikinatawa namin. Noong bata pa raw siya ay kinakausap niya ang mga bituin at sa paniniwala niya ay natupad ang lahat ng mga hiniling niya.

“Mahilig po ako talaga sa bituin kaya nga ako nagpa-tattoo, (sabay pakita). Alam mo ba, Ate Reggs, nu’ng bata pa ako, nakatira ako sa bahay ng tatay ko. Ang corny nito pero totoo. Alam mo bang kinakausap ko ang mga bituin tuwing gabi kasi may terrace kami. Sabi kasi sa akin ng kaibigan ko, once na may nakita akong bituin na makinang, titingin lang daw ako sa langit at mapapansin ko naman kung anong bituin doon ang makinang, kausapin ko raw.

“Ang lagi kong sinasabi sa bituin, sana makasakay ako ng eroplano. Heto, lagi na nga ako sumasakay ng eroplano, jetlag na nga ako lagi, eh,” kaswal niyang kuwento na hindi yata niya alam na nakakatawa dahil para pa rin siyang batang paslit.

“Totoo ‘yun,” dagdag pa ni Angee, na kinakausap niya ang bituin. “Kaya naniniwala ako. Kaya nu’ng nakita ko ‘yung star ni Vice (Ganda), tinanong ko talaga kung saan siya nagpa-tattoo.”

Papayagan din ba niya ang magiging anak niya na magpalagay ng tattoo?

“Depende, basta ako hahanap ng design, ha-ha-ha,” pabirong sagot ni Angeline.

Labis-labis ang pasasalamat niya sa nangyayari sa kanyang career. Blessed siya sa loob ng anim na taon niya sa showbiz, at ngayong 2017 ay kaliwa’t kanan ang out of the country shows niya.

“Sobrang blessed, Ate Reggs. Tulad nitong February, bago kami umalis para sa Divas Live on Tour sa Los Angeles (February 17), San Diego California (Feb. 18) at San Francisco (Feb. 19) ay may provincial tour muna kami.

“’Tapos pagbalik namin ng Pilipinas, may Birit Queens concert (Klarisse de Guzman, Jona at Morissette) naman kami sa MOA sa March 31. ‘Tapos may pelikula pa akong ipalalabas sa January 25, itong Foolish Love namin ni Jake Cuenca. Kaya , Ate Reggs, sobra-sobrang blessed talaga ako.

“Kaya maski na kulang ako sa tulog, okay lang basta may work. Ito naman lagi ang hinihiling ko, ‘wag ako mawalan ng work,” walang ni katiting na himig ng reklamong sabi ng dalaga.

Alin ang mas nakakatawa, ang That Thing Called Tanga Na o Foolish Love?

“Mas nanatawa ako rito sa Foolish Love kasi sa That Thing Called Tanga Na, marami kami roon. So itong sa amin ni Jake, sa amin nakasentro, kasama rin sina ToMiho (Tommy Esguerra at Miho Nishida).

Sa susunod na lang namin ikukuwento ang iba pang mga napag-usapan namin ni Angeline, mula sa lovelife at kung sino siya sa pribadong buhay o sa loob ng bahay nila lalo na kapag wala siyang trabaho. (REGGEE BONOAN)