sophie-at-vin-copy

ANG ganda ng ngiti ni Vin Abrenica nang bumati sa entertainment press sa solo presscon para sa kanya ni Rex Tiri, ang producer ng launching movie niyang Moonlight Over Baler. Intended sana ito sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF), pero hindi pinalad na mapili ng screening committee.

Masaya si Vin dahil sa pagpasok pa lamang ng 2017, sunud-sunod na ang projects niya. Kahapon, showing na ang kanyang sexy action-comedy film na Extra Service at nagsimula na rin siyang mag-taping ng Wildflower, ang kanyang unang teleserye sa ABS-CBN na pinagbibidahan ni Maja Salvador at isa siya sa leading men.

“Pero ang Moonlight Over Baler talaga ang itinuring kong simula ng aking career,” sabi ni Vin. “First time ko pong gumanap ng dual role, nang magsimula ang story noong World War II. Ako si Nestor, isang sundalong ipinadala sa giyera. Nangako akong babalik sa girlfriend kong si Fidela, na ginampanan ni Sophie Albert, pero sa kasamaang palad, hindi na ako nakabalik. Pagkalipas ng ilang taon, nang tumanda na si Fidela, na ginampanan na ni Elizabeth Oropesa, nakita niya ang dating boyfriend sa akin, pero isa na akong Japanese photographer, si Kenji, na napadpad sa Baler.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

“Naging mabuti kaming magkaibigan ni Fidela at natsismis kami, pero mas attracted ako sa ibang babae, si Aurora na ginampanan ni Ellen Adarna na pinagselosan naman ng anak ng mayor, na ginampanan ni Abel Estanislao kaya binugbog niya ako.”

Inamin ni Vin na nahirapan siyang gampanan ang dalawang magkaibang character niya. Bilang si Nestor, mas matigas ang character niya, hindi nagpapakita ng takot kahit nanganganib ang buhay. Si Kenji naman ay happy go lucky surfer na mahilig din sa arts. Nahirapan siya lalo sa pagsasalita ng Tagalog na may intonation na Japanese, pero tinulungan siya nina Direk Gil Portes at ng scriptwriter na si Eric Ramos.

Tumawa lang si Vin nang may magsabi na mas sikat na siya ngayon kaysa sa Kuya Aljur niya. Nang tanungin kung sino ang mas guwapo sa kanila, ang sagot niya: “Siya. Ever since naman, mas guwapo siya talaga sa akin. Pang-boy next door type siya, at nang lumalaki kami, siya talaga ang mahilig mag-showbiz, kumakanta, sumasayaw. Late bloomer ako sa aming dalawa. Pero ngayon na nasa ABS-CBN na ako, hindi ako tumitigil sa pagkuha ng acting workshops at sa advanced acting classes under Direk Rahyan Carlos. Pagkatapos noon, kukuha naman ako ng master class, gusto ko kasing mag-improve lalo sa mga alam ko na.”

Loveless daw siya ngayon.

“Mas in serious relationship ako. May dati na akong girlfriend noon sa Pampanga. Then nagkaroon ako ng second girlfriend from GMA Network, pero huwag na natin siyang pangalanan. Third ko si Sophie, more than two years din ang relasyon namin. We’re friends at since naghiwalay kami, wala pa naman akong nililigawan at wala ring nali-link sa akin.

“Hindi naging mahirap ang kissing scenes namin ni Sophie dito dahil we are always comfortable tuwing magkasama kami.

Mas seryoso ako sa career ko ngayon at ayaw kong pabayaan ang mga blessings na dumarating sa akin. Sa gabi bago ako matulog I pray and thank God for all His blessings.”

Bago natapos ang interview, naitanong kay Vin kung nakuha na niya ang lahat ng talent fee niya at prizes nang manalo siya sa Artista Academy ng TV5. Sadly, hindi raw niya nakuha lahat. Kaya thankful siya sa manager niyang si Noel Ferrer na naipasok siya sa ABS-CBN at nabigyan ng maraming projects. (NORA CALDERON)