Magkasunod na nagkaaberya ang mga tren ng Metro Rail Transit (MRT)-3 at Light Rail Transit (LRT)-Line 1 kahapon.
Nabatid na unang nagkaroon ng service interruption ang MRT-3 nang magkaproblema sa signaling system mula sa North Avenue hanggang Quezon Avenue sa Quezon City, dakong 4:37 ng umaga.
Dahil dito, hindi kaagad nagpapasok ng mga pasahero sa mga istasyon nito.
Makalipas ang 20 minutong pagkukumpuni ay tuluyan nang naging normal ang operasyon ng mga tren ng MRT.
Samantala, dakong 8:15 ng umaga nang pababain sa tren ang mga pasahero ng LRT-1 sa 5th Avenue Station sa Caloocan City matapos na maubusan ng baterya ang isa sa mga bagon nito.
Kinailangan pang hatakin pabalik sa depot ang tumirik na tren at tumagal ng isang oras bago tuluyang naibalik sa normal ang operasyon. (Mary Ann Santiago at Bella Gamotea)