AKTIBO na naman ang pulisya sa pagmamando ng mga checkpoint sa mga estratehikong lugar sa Metro Manila.

Ito’y sa kabila ng naidaos na nang mapayapa at maayos ang Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno nitong Lunes sa Maynila, kung saan milyun-milyong deboto ang dumagsa.

Papalapit na rin ang pagdaraos ng Miss Universe Pageant sa Maynila sa Enero 30, at inaasahang magdudulot ito ng matinding trapiko. Walumpu’t anim na naggagandahang babae mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang darating sa ‘Pinas.

So, konting tiis sa traffic, mga amigo.

Metro

Ama ng estudyanteng tumalon sa LRT, 'di magsasampa ng kaso sa driver

Ito marahil ang dahilan kung bakit patuloy ang paglalatag ng mga checkpoint ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Dati’y kinatatakutan ang mga police checkpoint, subalit ngayon na madalas na ang mga itong natatanaw, nagiging regular na ang proseso para sa mga motorista.

Sa pagkakaalam at obserbasyon ni Boy Commute, madalang na ang reklamo laban sa mga abusadong pulis na nagmamando ng checkpoint.

Marahil ito ay ipinatutupad nang maayos at alinsunod sa batas.

Mahigpit ang tagubilin ng pamunuan ng PNP na kailangang nakasuot ng uniporme ang mga nagmamando ng checkpoint.

Kailangang may suot ang mga pulis na nameplate at may kaukulang billboard o tarpaulin na nakasaad ang unit ng mga ito.

Hindi rin sila maaaring maglatag ng checkpoint sa madidilim na lugar.

At ang pinakanakatutuwa…magagalang na ang mga pulis sa checkpoint.

Tandang-tanda pa ni Boy Commute na noong administrasyon ng yumaong diktador Ferdinand Edralin Marcos, kinatatakutan ng mamamayan ang checkpoint.

And’yan ang reklamo laban sa sari-saring pang-aabuso ng mga tauhan ng Philippine Constabulary-Integrated National Police tulad ng pangongotong, pagtatanim ng ebidensiya sa mga inosenteng motorista at kawalan ng modo sa pakikitungo sa mamamayan.

Noon ay pilit pang pinabababa ang mga pasahero sa jeepney bago kapkapan. Ngayon ay ipinagbawal na ito dahil plain view doctrine ang ipinatutupad ng pulisya, o hindi nila maaaring hawakan ang isang motorista upang kapkapan o kaya’y pababain ito sa sasakyan.

Ito’y maliban na lang kung ang motorista ay suspek sa isang krimen na kapapangyari lang.

Maging ang mga motorsiklo na madalas na puntirya ngayon ng mga police checkpoint ay nasanay na rin sa proseso. Kapag pinara, agad na itinatabi ng mga rider ang kanilang motorsiklo at ipinakikita sa mga pulis ang rehistro ng sasakyan at kanilang lisensiya.

Salamat naman at ganito na ang mga police checkpoint.

Kaya saludo sa PNP si Boy Commute! (ARIS R. ILAGAN)