HABANG nakalugmok pa sa matinding paghihinagpis ang katulad kong mga pensiyonado ng Social Security System (SSS), nakonsiyensiya rin ang administrasyon sa pagtupad ng naunsiyaming pangako nito. Pagkatapos makatuklas ng ‘win-win solution’, muling tiniyak ni Pangulong Duterte ang implementasyon ng P2,000 pension hike; P1,000 sa buwang ito at P1,000 sa 2019 o 2022- kung hindi iiral ang nakapanggagalaiting ‘bigay-bawi’.
Ang naturang solusyon ay produkto ng masusing pagsangguni ng Pangulo sa kanyang Gabinete na ang ilang miyembro nito ay mahigpit na tumutol sa pagkakaloob ng katiting na biyaya para sa SSS retirees. Mabuti naman at natauhan din sila.
Kabilang sa ipatutupad na remedyo ang pagtataas ng 1.5 porsiyento sa buwanang kontribusyon o monthly premium ng mga kawani ng pribadong kumpanya; ang halagang katumbas nito ay paghahatian ng mga empleyado at employer.
Kasabay nito ang mahigpit na utos ng Pangulo na arestuhin at usigin ang mga delinquent employers na lumalabag sa SSS laws na hindi nagbabayad ng kaukulang mga kontribusyon. Halos 40% lamang ng 33 milyong SSS member ang nagbabayad ng kanilang premiums. Ang maanomalyang sistemang ito na maaaring bunga ng pagpapabaya ang dapat atupagin ng pamunuan ng SSS upang masulit naman ang tinatanggap nilang mga biyaya. Maliwanag na ito ang dahilan ng utos ng Pangulo hinggil sa agarang pagpapatigil ng nakalululang mga bonus ng mga opisyal ng naturang ahensiya.
Kaugnay nito, naniniwala ako na marapat ding iutos ng Pangulo ang crackdown o pagsusuri sa limpak-limpak na benepisyo at bonuses ng mga tauhan ng mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCC) na tumatanggap din ng katakut-takot na biyaya. Ito ang dahilan kung bakit pinag-aagawan ng malalapit na kaalyado ng Pangulo ang mga posisyon sa naturang mga ahensiya. Hindi ba ang mga ito, tulad ng SSS, ang nakababawas nang malaki sa pondo ng gobyerno?
Sa naturang paninindigan ng Pangulo, naniniwala ako na hindi niya matitiis na magdusa ang SSS pensioners, lalo na ang kanilang mga mahal sa buhay, dahil lamang sa pagkakait ng kaunting biyaya. Naniniwala ako na makatwiran ang pagbalanse o pagtimbang ng kapakanan ng lahat ng kinauukulang sektor. Dangan nga lamang at kailangan niyang pakinggan ang lahat ng anggulo, wika nga.
At lalo akong naniniwala na hindi niya tutularan ang nakalipas na pangasiwaan na tandisang nagbasura sa nabanggit na SSS pension hike sa dahilang hindi matanggap ng mga pensiyonado.
Sana ay maibsan na ang paghihinagpis ng mga nakatatandang mamamayan na naging bahagi rin naman ng paglikha ng makataong pamayanan. (Celo Lagmay)