Hawak na ng Southern Police District (SPD) ang pangalan ng mga umano’y miyembro ng sorority group na sangkot sa hazing incident sa Las Piñas City kamakailan.
Ayon kay SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., inisa-isa mismo ng biktimang si Larissa Colleen Alilio, 18, estudyante ng Lyceum of the Philippines University (LPU), ang ang kanyang mga kaklase na umano’y kasapi ng “Tau Gamma Sigma sorority.”
“Actually, medyo traumatized pa siya noong makausap namin but she was able to identify them. May mahahabla na ngayong araw (Enero 11) or bukas (Enero 12) pero ‘yung mga pangalan nila, we have to keep it muna,” pahayag ni Apolinario sa Balita kahapon.
Tumanggi naman si Apolinario na banggitin ang mga pangalan ng mga suspek habang nakilala na rin ng mga imbestigador ng SPD at Manila Police District (MPD) ang 30 iba pang miyembro ng nasabing frat group.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 8049 (Anti-Hazing Law) na may parusang anim hanggang 12 taong pagkakakulong sa Las Piñas Prosecutor’s Office.
Samantala, sa isang panayam sa radyo, ipinahayag ni Charisma, ina ng biktima, na nananatiling nasa Makati Medical Center si Colleen at stable na ang kondisyon ngunit hindi pa nakakatayo dahil sa iniindang pananakit ng katawan.
“Talagang nabugbog siya eh, kaya ‘di pa nakakalakad. Ang binabantayan nila ay ‘yung kidney dahil baka magkakumplikasyon,” ani Charisma. (Bella Gamotea at Martin A. Sadongdong)