Sugatan ang 20 katao, 13 sa mga ito ay kritikal, makaraan ang pagsabog sa isang liquefied petroleum gas (LPG) station na nauwi sa sunog sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Senior Inspector Anthony Arroyo ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Pasig, dakong 1:06 ng madaling araw nangyari ang insidente sa Omni Gas Corporation, nagre-refill ng mga tangke ng LPG, na matatagpuan sa Sandoval Street, Barangay San Miguel, Pasig City.

Sinasabing naipong LPG fumes ang sanhi ng pagsabog na nauwi sa sunog at nadamay ang mga kalapit na bahay, isang hardware at dalawang gas station.

Ilan sa mga nasugatan ay sina Epifanio Ausa, 50, manggagawa sa isang kalapit na furniture store; mga empleyado ng Ragasco na kinilalang sina Adonis Munoz, 22; Jayro Soriano, 22; Jectopher Cawili, 21; Romeo Eugenio, 28; Camilo Alcaraz, Jr, 18; Alejandro Conrad, 42; Raymundo Saturnino, 20; Jason Dagaw, 25; Philip Villota, 28; Domingo Guira, 29; Jeffrey Eugenio, 35; Raymart Eda, 22; Joel Eda, 28; Ramil Reden, 21; Arvin Bautista, 20; Jeter Brillantes, 25; Noriel Salamio, 22; Bryan Ludrico, 20 at William Khey, 39.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Tinangka pa umano ng mga empleyado ng nasabing gas refilling station na pigilan ang pagtagas ng gasolina ngunit sila’y nabigo.

“Alam naman kasi natin ang LPG ‘pag sumingaw, mas heavier than air so mas bumababa, so may initial na silang operations, nagku-cooling na siguro para siguro ma-dispense yung nagli-leak na LPG,” paliwanag ni Senior Supt. Wilberto Kwan-Tiu, District Director ng BFP-Pasig.

Tinatayang aabot sa P20 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok. (MARY ANN SANTIAGO)