SINABI na ni Kris Aquino sa nagtanong na follower niya na hindi galing kay Quezon City Mayor Herbert Bautista ang pink balloons na ipinost niya sa Instagram at ipinag-react ni Bimby. Lechon daw ang ibinibigay ni Herbert, hindi balloons, kaya hindi na nagulat ang mga reporter nang itanggi ni Herbert na galing sa kanya ang balloons.
Hindi alam ni Herbert ang tungkol sa mga balloon at kapani-paniwala ang paulit-ulit niyang sagot na “hindi ko alam ‘yun” dahil tatlong beses itong itinanong sa kanya.
Samantala, ibinalita ni Herbert na aalis siya next week papuntang Rome dahil kasama siya sa delegasyon ng bansa para sa gaganaping peace talk.
“I volunteer na sumama to learn. Makakasama ko sina Labor Secretary Silvestre Bello, Presidential Advider on the Peace Process Jesus Dureza and some trusted men of President Duterte,” balita ni Herbert.
Sana ma-interview si Herbert pagbalik niya from the peace talk para makabalita tayo first hand ng mga nangyari sa pag-uusap ng grupo nila at ng grupo ni Jose Maria Sison ng National Democratic Front/Communist Party of the Philippines.
Full support naman si Herbert sa showbiz career ng anak na si Harvey Bautista na kasama sa pelikulang Ilawod. First movie ito ng anak at very proud si Herbert na napili at nakapasa ito sa audition ng team ni Direk Dan Villegas dahil mahusay at hindi dahil anak niya ito.
“Gusto raw ni Direk Dan ang angas ni Harvey. Pasalamat kami na napili siya, pero lagi kong sinasabi sa mga anak ko na priority pa rin ang pag-aaral nila. Ang showbiz nadiyan lang. Ginawa niya ang Ilawod na sem break nila,” kuwento pa ni Herbert.
Showing sa January 18 ang Ilawod pinagbibidahan nina Ian Veneracion, Therese Malvar at Iza Calzado. Siguradong lalong magiging proud si Herbert kay Harvey ‘pag napanood na niya ang first movie nito. (Nitz Miralles)