OAKLAND, Calif. (AP) — Humulagpos ang Golden State Warriors sa dikitang laban tungo sa 107-95 panalo kontra Miami Heat nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Hataw si Stephen Curry sa naiskor na 24 puntos, siyam na assist at walong rebound, habang kumana si Kevin Durant ng 28 puntos at walong rebound para sa ikalimang sunod na panalo laban sa Heat at ikawalo sa huling 10 laro.

Nag-ambag si Draymond Green ng 13 puntos, siyam na rebound at limang assist, habang patuloy na pinagpahinga si Klay Thompson bunsod nang trangkaso.

Nanguna sa Miami si Hassan Whiteside na may 28 puntos at 20 rebound. Naungusan ng Heat ang Warriors, 26-14, sa third quarter matapos makuha ang 54-53 bentahe sa halftime.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

RAPTORS 114, CELTICS 106

Sa Toronto, naitala ni DeMar DeRozan ang season-high 41 puntos, habang kumasa si Kyle Lowry para sa 24 puntos para sandigan ang Toronto Raptors laban sa Boston Celtics.

Kumubra si Jonas Valanciunas ng 18 puntos at caeer-high 23 rebound para maibawi ang Raptors mula sa natamong kabiguan sa Chicago at Houston sa nakalipas na linggo.

Nanguna si Isaiah Thomas sa Boston sa natipang 27 puntos at kumubra si Marcus Smart ng 16 puntos.

ROCKETS 121, HORNETS 114

Sa Houston, nailista ni James Harden ang ikalawang sunod na triple-double – 40 puntos, 15 rebound at 10 assist – para gabayan ang Rockets kontra Charlotte Hornets at sa ikasiyam na sunod na panalo.

Naitarak ni Harden ang ika-11 triple-double ngayong season at ika-20 sa NBA career. Kumubra siya ng 40 puntos, 11 assist at 10 rebound sa panalo kontra Toronto nitong Linggo, sapat para tanghaling ikaapat na player sa kasaysayan ng liga na nakapagtala ng triple-double na may 40 puntos pataas sa magkasunod na laro.

Sa iba pang laro, ginapi ng Utah Jazz, sa pangunguna ni Gordon Hayward na tumipa ng 28 puntos, ang Cleveland Cavaliers; pinatahimik ng Washington Wizards ang Chicago Bulls, 101-99; pinataob ng Milwaukee Bucks ang San Antonio Spurs, 109-107; winasak ng Atlanta Hawks ang Brooklyn Nets, 117-97; sinilaban ng Portland TrailBlazers ang Los Angeles Lakers, 108-87; pinaluhod ng Sacramento Kings ang Detroit Pistons, 100-94.