WALA tayong gaanong naririnig na binabalak ng pamahalaan para maibsan ang problema sa trapik sa Epifanio de los Santos Ave. (EDSA) at sa iba’t iba pang lugar sa Metro Manila. Kaya nakatutuwa ang isang positibong balita – ang pahayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilalaan ang P100 bilyon sa kanilang P450-billion budget ngayong 2017 para sa mga proyekto na magpapaluwag sa trapik sa Metro Manila.
Sinabi ni Secretary Mark Villar na kabilang sa mga plano ang konstruksiyon ng 128 bypass roads. May mga bago ring tulay na itatayo patawid sa Ilog Pasig. Bibilisan ang mga proyekto na kasalukuyang ginagawa, kabilang na ang expressway na mag-uugnay sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Hindi lang ngayon natin narinig ang tungkol sa mga proyektong ito pero tila hindi naman masigasig ang kanilang pagpupursigi, maaaring dahil na rin sa kakapusan ng pondo. Nakilala ang nakaraang administrasyon sa pagtitipid, maging sa pagkansela ng mga proyekto na mayroon nang kontrata.
Umaasa tayo na ang bagong administrayong Duterte ay mas magiging masigasig sa public works program. Kailangang bilisan ang maraming itinatayong proyekto. Daan-daang malalaking kongkretong haligi, halimbawa, ang may kung ilang buwan nang nakatiwangwang sa NLEX-SLEX connecting skyway, dahil walang mga trabahador na nakikitang nagpapatuloy sa konstruksiyon nito.
Sinasabi na mayroong tatlong mahahalagang “E” sa pamamahala sa trapik – engineering, enforcement, at edukasyon. Ang DPWH ang namamahala sa engineering. Umaasa tayo na may maririnig tungkol sa enforcement, kabilang ang mga plano para sa mga intersection na laging masikip ang trapik, illegal parking sa mga kalsada, at ang patuloy na operasyon ng colorum buses. Ang bahagi ng edukasyon sa tatlong “E” ay maaaring matagalan pa pero kailangan na natin itong simulan.
Sa ngayon, inaasahan natin ang malaking magagawa ng mga bagong imprastraktura na ipinapangakong itatayo ng DPWH gamit ang kanilang 2017 budget. Kahit wala ang emergency powers na hinihingi ng Department of Transportation sa Kongreso, ang mga proyektong ito ng DPWH ay agarang maisusulong at mailulunsad kaysa mga nakaraang pagawaing bayan.
Nanalo ang administrayong Duterte dahil sa ipinangako nitong pagbabago sa mga mamamayan. Nakita na natin ang mga pagbabago sa maraming sangay ng pamahalaan, lalo na sa police enforcement sa anti-drugs campaign. Hangad natin ang pagbabago sa iba pang mga sangay, kabilang na ang matagal na nating hihintay na pagluwag ng tila wala nang kalutasang trapik sa Metro Manila.