NAPAKARAMING nagtatanong kung bakit kinailangang mamaalam si Benny, ang lovable na character ni Pepe Herrera sa FPJ’s Ang Probinsyano. Ginulat kasi ang televiewers at nag-trending ang twist na ito sa istorya ng No. 1 primetime TV series dahil unexpected naman talaga.
Effective na sidekick at comic relief si Benny sa seryosong character naman ni Coco Martin as Cardo Dalisay kaya maraming tagasubaybay nila ang nalungkot sa pagkamatay ng una.
Sa loob ng mahigit isang taon, napamahal na sa televiewers si Benny at walang nag-akala na sa ganito magtatapos ang masayahing character niya.
Naririto ang paliwanag ni Coco kung bakit nga ba si Pepe pa ang nawala sa show.
“Honestly, si Pepe kasi aalis siya papuntang New Zealand kasama ang mommy niya. And then, nagpaalam na nga siya sa amin na kung puwede, exit na sa show as he was preparing to move out of the country kasama ang mother niya,” sabi ni Coco.
Last December pa raw nakiusap kay Coco si Pepe pero hindi niya agad napagbigyan dahil ayaw niyang basta na lang ito mawawala, gusto niyang markado ang exit ng sidekick niya.
“Sinabi ko sa kanya noon, na bigyan niya lang ako ng pagkakataon. Hindi ko lang maibigay sa kanya nu’ng December.
Pero sabi ko sa second week of January, eh, gagawan ko ng magandang kuwento ang exit niya,” kuwento ni Coco.
Aware si Coco sa napakalaking naiambag ni Pepe Herrera sa pagiging top rater ng show nila kaya ayaw niyang basta-basta na lang ito mawawala sa show.
“Maganda naman iyong naging reaksiyon ng mga tao. Siyempre, nakakalungkot dahil napakalaking parte niya sa Ang Probinsyano pero na-deserve niya talaga iyong pinaka-best dahil nakapagaling niyang artista at napakasarap niyang katrabaho,” seryosong lahad pa ng Primetime King.
Samantala, walang duda taon pa rin ni Coco Martin ang 2016. Napapanatili niyang number one ang Probinsyano hanggang ngayon.
Kumita na ng P598M ang pelikula nilang The Super Parental Guardians ni Vice Ganda, kaya sila na ang may hawak ng record ng highest-grossing Pinoy film of all time.
Pero hindi si Coco ang tipo ng taong kampante lang sa tagumpay. Ngayong 2017, gusto niyang tuparin ang pangarap niyang maging direktor. Gusto niyang magdirek ng pelikula na isasali sa Metro Manila Film Festival.
“Siyempre kung mayroon magtitiwala sa sarili ko at sa aking kakayanan, siguro ako na iyong unang-unang magbibigay ng oportunidad para magkaroon ako ng pagkakataaon upang maipakita ko iyong aking talento na hindi ko pa naipapakita sa ating tao,” sabi niya. (JIMI ESCALA)