NATAGPUAN ni United States President-elect Donald Trump ang kanyang sarili sa napakahirap na kalagayan nang lumabas ang mga ulat na sa utos ni Pangulong Vladimir Putin ay pinakialaman ng Russian hackers ang katatapos na US presidential election. Sinasabing pinasok ng mga ito ang files ng Democratic National Committee at ang kampo ng kampanya ni Hillary Clinton. Pagkatapos ay ibinigay ng Russian teams ang impormasyon, na nakakahiya ang ilan, sa Wikileaks at nagpakilos ng mga bayarang pangkat ng trolls na nagpabaha ng posts at comments sa mga botante sa US sa pamamagitan ng social media sa hangaring maibagsak ang kandidatura ni Clinton at matulungan si Trump.
“Political witch hunt” ang agarang reaksiyon at tawag ni Trump sa report – isang posisyon na madaling unawain, dahil kung hindi ay siya na rin mismo ang magsisindi ng pagdududa sa pagkakahalal sa kanya. Pero nakipagpulong siya sa apat na pangunahing US intelligence officials. Pagkatapos ng pulong sa New York, sinabi niyang: “While Russia, China, other countries, other outside groups and people are constantly trying to break through the cyber infrastructure of our government institutions, businesses, and organizations, including the Democratic National Committee, there was absolutely no effect on the outcome of the election.”
Gayunpaman, hindi lubusang ibinabasura ni Trump ang mga natuklasan ng apat na organisasyon – ang Directorate of National Intelligence, ang Central Intelligence Agency (CIA), ang Federal Bureau of Investigation (FBI), at ang National Security Agency (NSA). Pagkatapos ng miting, sinabi niya na sa pag-upo niya sa kapangyarihan sa Enero 20, bubuo siya ng kanyang sariling pangkat at bibigyan ito ng 90 araw upang makabuo ng plano kung paano mapipigilan ang cyber attacks sa US.
Hindi ito ang unang cyber attack sa US. Noong 2015, nabulatlat ang records ng 18 million federal employees nang pasukin ng hackers ang files ng US Office of Personnel Management. Ang US military ngayon ay mayroon nang sariling “cyber mission force” na nagsasagawa ng mga operasyon sa buong mundo. Mayroong ulat na may ganito na ring yunit na aktibong nagtatrabaho sa cyberspace ang China, North Korea, at ang mga pribadong organisasyon.
Tayo rin dito sa Pilipinas ay mayroong mga suliranin dulot ng hackers. Ang Commission on Elections ay iniimbestigahan ngayon dahil sa hacking ng website nito noong nakaraang Marso, dalawang buwan bago sumapit ang eleksiyon noong Mayo.
Dahil sa kawalan ng aksiyon, ang Comelec chairman ay inirerekomendang sampahan ng kaso.
Ang automation ng eleksiyon sa Pilipinas ay matagal nang kinokontra ng ilang kampo na kumukuwestiyon sa kawalan ng transparency sa sistema na mga makina – na nakaprograma lamang – ang nagsasagawa ng pagbilang, ng canvassing, at ng transmission ng election returns. Tunay na napakalaking kuwestiyon ng cyberworld, na bagamat sinasabing matatag na napoprotektahan ng “walls” na inilagay ng mga eksperto sa computer ay nagagawa rin namang pasukin ng ibang eksperto.
Ang administrasyon ni US President-elect Trump ay maglulunsad ng sariling program upang malabanan ang Russian ng US elections. May sarili rin tayong cyber problem sa Pilipinas, bagamat hindi kasing krusyal ng mga nagaganap sa US, pero ang ating pamahalaan ay dapat ding gumawa ng hakbang patungo sa direksiyong ito ng pandaigdigang suliranin sa cyber attacks at seguridad.