Pinagtawanan lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga balitang ipinakalat ni dating Sen. Francisco Tatad na nagpagamot siya sa sakit na cancer sa China nitong Bagong Taon.

“Well, nag-usap kami ni Presidente. Sabi niya, ‘Martin halika dito.’ Sabi ko, ‘yes boss.’ ‘Sabihin mo kay Tatad baka mauna pa siya sa akin,’” wika ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, sa panayam ng TV5 kahapon.

“Tapos tumawa siya so you know it’s just a joke,” dagdag ni Andanar.

Iginiit ni Andanar na walang katotohanan ang mga tsismis na bumisita ang Pangulo sa isang ospital sa China kamakailan. Aniya nasa Davao lamang ang Pangulo nitong bakasyon.

Metro

Ama ng estudyanteng tumalon sa LRT, 'di magsasampa ng kaso sa driver

Ayon pa kay Andanar, maaaring tingnan ni Tatad ang immigration records upang malaman kung talaga ngang umalis ng bansa ang Pangulo. “Kasi wala ho talaga. Nasa Davao lang ang Presidente the entire New Year holiday,” aniya.

Sa kanyang kolum sa isang pahayagan, sinabi ni Tatad na lumipad sa China si Duterte upang makipagkita sa mga doktor sa Fuda Cancer Hospital sa Guangzhou, binanggit ang ilang impormante.

Sinabi ni Tatad na idinadalangin niya ang mabuting kalusugan ng Pangulo, at hinimok ito na sumailalim sa tamang pagngangalagang medikal kung totoo nga na ito ay may sakit na cancer. (Genalyn D. Kabiling)