Pinuri ng mga kongresista ng administrasyon at oposisyon ang pagkakaloob ni Pangulong Duterte kahapon ng P1,000 dagdag sa buwanang pensiyon ng mga nagretiro sa pribadong sektor, na kalahati ng P2,000 isinusulong ng Kongreso.
Nagpahayag ng pasasalamat sina Assistant Majority Leaders Bernadette Herrera-Dy (BH Party-list) at Sherwin Tugna (CIVAC Party-list), Quezon City Rep. Alfred Vargas, Navotas City Rep. Tobias Tiangco, Camarines Sur Rep. Salvio Fortuno, at Quezon City Rep. Winston Castelo sa desisyon ni Duterte na dagdagan ang buwanang pensiyon ng mga retirado ng Social Security System (SSS).
Kaugnay nito, iginiit ng oposisyon na si Asst. Minority Leader Eugene De Vera na ang joint congressional resolution na magdadagdag ng P2,000 sa pensiyon ang dapat na maging prioridad ng Kamara sa pagpapatuloy ng sesyon sa susunod na linggo.
Nangako rin ang mga mambabatas na susuportahan ang anumang hakbangin ng SSS upang makakalap ng sapat na pondo para maipatupad ang dagdag-pensiyon.
Matatandaang ibinasura ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III ang panukalang P2,000 pension hike noong Enero 2016.
(Ben R. Rosario)