ILOILO CITY – Inihahanda ang witness protection para sa umano’y pangunahing drug lord sa Negros Island Region (NIR) na si Ricky Suarez Serenio matapos niyang ibunyag na mahigit 50 pulis ang tumatanggap ng payola mula sa kanya.
“We need his testimony to go after our cops,” sinabi ni Chief Supt. Renato Gumban, director ng Police Regional Office (PRO)-18 nang kapanayamin ng may akda sa telepono.
Ayon kay Gumban, inamin ni Serenio na nagbigay siya ng payola sa 16 na commissioned officer ng Philippine National Police (PNP) at sa 40 non-commissioned PNP officer.
Inaresto nitong Linggo si Serenio, 34, taga-Bacolod City, sa kanyang hideout sa Talisay City, Negros Occidental.
Si Serenio ay isang Level 3 drug personality na nag-o-operate sa Negros Occidental, ngunit may kaugnayan din sa mga sindikato ng droga sa Metro Manila at Mindanao.
Nilinaw naman ni Chief Insp. Dianne Aquitania-Catedral, tagapagsalita ng PRO-18, na dinakip si Serenio sa kasong grave coercion.
Sinabi naman ni Gumban na nahaharap din si Serenio sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives.
Ipinatupad nitong Lunes ng Regional Special Operation Task Group (RSOTG)-18, sa pangunguna ni Supt. Robert Lingbawan, ang arrest warrant na inisyu ni Judge Eduardo Sayson ng Bacolod City.
Gayunman, hinostage pa ni Serenio ang kinakasama niyang si Hannah Javelosa bago siya mapasuko ng RSOTG-18 at Special Action Force (SAF).
Samantala, hinihintay ngayon ng PRO-18 ang affidavit ni Serenio na nagdedetalye sa mga pangalan ng umano’y mga protektor nito. (Tara Yap at Fer Taboy)