KAPAG nakalusot na naman at hindi nagawaran ng tamang parusa ang grupo ng mga pulis na tumangay sa Koreanong negosyanteng si Jee Ick-joo mula sa kanilang bahay sa Angeles City noon pang Oktubre, siguradong magsusulputan na naman ang ganitong istilo ng pangingidnap sa mga banyagang suki nang tangayin ng mga kidnaper kapalit ng malaking ransom para sa kanilang kalayaan.
Kung dati kasi ay patago pang tumitiyempo ang grupo ng mga kidnapper sa pag-aabang ng kanilang mga bibiktimahin sa lugar na palaging pinupuntahan nito, naging iba na sila ngayon. Mas matatapang at malalakas ang loob nilang kunin ang kanilang bibiktimahin sa loob mismo ng tahanan nito – gamit lamang ang “magic word” na TOKHANG – at nakasisiguro na silang walang pulis na haharang at pipigil sa kanila. Ang TOKHANG, ay operasyon ng Philippine National Police (PNP) na magbahay-bahay sa mga barangay upang hikayating sumuko at magbagong buhay ang bistado na nilang mga adik at pusher, ngunit kadalasan ay napapatay din ang mga ito ng mga RIDING-IN-TANDEM.
Lima ang mga suspek sa kasong ito ng negosyanteng Koreano, at sinasabing grupo ito ng mga pulis na taga-Camp Crame.
Kilala na rin ang opisyal ng pulis na namumuno sa grupong ito kaya nga sa isang kalatas na pinadala ng PNP sa Department of Justice (DoJ) – inirekomenda ng PNP na imbestigahan agad at kasuhan ng “Kidnapping with Ransom” at “Serious illegal detention” ang mga pulis na ito. May bonus pa nga ang mga kidnapper na ito. Nagiging animo AKYAT-BAHAY na rin sila dahil pagkakuha nila sa target, tangay-tangay na rin nila ang malaking halaga ng pera at mga alahas nito.
Sa tingin ko, sinasamantala na ng ilang mga pulis ang kanilang LISENSIYA na dumukot, umaresto at pumatay sa ngalan ng pakikipaglaban sa sindikato ng droga sa bansa na inilatag mismo ng kanilang Commander-In-Chief na si Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Sobrang nakatatakot na ang kalagayang ito sa buong bansa, lalo na kung ang pagbabasehan natin ay ang araw-araw na balita hinggil sa mga napapatay na may kaugnayan daw sa ilegal na droga. Hindi pa kasama rito yung mga palihim at biglang nawawala na lamang at ‘di na natatagpuan ng kanilang mga kapamilya.
Kung magagawa lamang sana ng ilang opisyal ng pamahalaan na paminsan-minsan ay palihim na lumabas... at makihalubilo sa mga mamamayan – mapupulsuhan nila kung ano ang nararamdaman ng mga pangkaraniwang mamamayan hinggil sa isyung ito at makikita rin nila kung papaanong ‘yung dating maaamong pulis, lalo na yung ilang mga baguhan sa serbisyo, ay biglang naging maangas, maporma at matapang - sabi nga ng mga bata – “mahirap na sila ma-reach!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)