Ipinag-utos ng Southern Police District (SPD) ang masusing imbestigasyon sa kaso ng isang Tourism student na umano’y biktima ng hazing sa Las Piñas kamakailan.

Ayon kay Chief Superintendent Tomas Apolinario Jr., SPD director, kilala na nila ang apat na miyembro ng grupo na nasa likod ng pananakit sa isang alyas na “Ana”, 18, second year Tourism student sa isang unibersidad sa Maynila.

Kinilala ni Apolinario ang mga suspek na sina alyas “Yonara”, “Yuna”, “Marie” at “Brandy”, pawang kaklase ni Ana.

Base sa report, ayon kay, Apolinario, dakong 10:00 ng umaga noong Enero 8, sa isang abandonadong bahay sa Ocampo Street, Las Piñas nangyari ang insidente.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sumama si Ana sa “outing” kasama ang kanyang mga kaklase at siya ang naka-toka sa pagkain, kandila at isang sako na kakailanganin umano sa isang aktibidad.

Base sa report, nang dumating si Ana at kanyang mga kaklase sa abandonadong bahay, aabot sa 40 miyembro ng Tau Gamma sorority ang naghihintay sa kanila.

Bilang parte ng “activity”, na nauwi sa initiation rite, pinaluhod si Ana ng kanyang mga kaklase habang siya’y pinipiringan.

Sinundan ito ng paghampas ng sinturon at isang makapal na kahoy. Naiulat din na pinagsasampal at sinabunutan si Ana ng mga sorority members. At tila hindi pa nakuntento, pinaso rin ng kandila ang kanyang likod.

“Definitely, we will conduct a thorough investigation on this incident. We have already talked to the victim and to other witnesses. Now, hinahanap na natin ‘yung mga kaklase niya na part ng hazing,” pahayag ni Apolinario sa Balita.

(Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)