IGINAWAD sa Star Music kamakailan ang YouTube Gold Play Button, isang framed limited-edition gold-plated play button na ibinibigay ng YouTube sa channels na nakakakuha ng isang milyong subscriber.
Si Enchong Dee ang latest Star Music artist awardee kaya humanay na siya sa mga totoong singers na sina Morisette Amon, Janella Salvador, Liezel Garcia, Yeng Constantino at marami pang iba.
Pero hindi pa rin makapaniwala si Enchong sa nasabing karangalan.
“Alam mo, sa totoo lang, kinikilig ako na kasama ko ‘yung mga legit singers na in-award-an ng YouTube kasi parang… nu’ng nagsisimula ako ang daming nagtaka, ang daming nagkuwestiyon, pero siguro dahil paunti-unti nakikita nila na ito talaga ‘yung isa sa mga gusto kong gawin, siguro unti-unti nilang natanggap.
“Ang dami-daming artist ang Star Music and to be given an award, at pang-17 ako, di ba, may 4.4 million views sa YouTube, sobrang astig, di ba? I’m happy, sobra,” masayang pahayag ni Enchong.
Itinuturing ni Enchong na Christmas gift ang award ng YouTube sa kanya.
“Ito na ‘yon. Sobrang speechless nga ako kasi siyempre, legit ‘yan, eh. Sina Yeng, Janella... kasi sino ba naman ako, di ba? Bakit ba nand’yan si Enchong? Pero dahil siguro sa clamour ng mga tao na na-enjoy lang ‘yung kanta ko (Chinito Problems), now merong ganitong award.”
Kuweno ni Enchong, pagkatapos lumabas ng music video niya with Maja Salvador, may bagong sorpresa siyang sa kanyang fans.
“After ng video namin ni Maja, si Liza (Soberano) naman ‘yung kasama ko. So, hopefully, magustuhan din nila,” aniya.
May mga nagdududa pa rin sa kakayahan ni Enchong bilang recording star, at may mensahe siya sa kanila.
“Siguro ano lang, salamat din sa kanila kasi, di ba, siyempre, binigyan nila ako ng lakas ng loob na patunayan sa kanila na kaya din naman – sipag, tiyaga, ensayo. Kasi lahat naman kami nagsimula sa wala.
“Kahit ‘yung sa pagiging actor ko, marami rin namang nagtaka dahil isa akong manlalangoy, so ang daming tumaas ‘yung kilay na, ‘Ha, bakit umaarte na ‘yan?’ Hanggang sa napatunayan ko nga na kaya natin.”
Mas inspirado siya ngayong 2017 dahil sa award na ipinagkaloob sa kanya bilang singer.
“Siguro mas sisipagan ko pa, kasi medyo tinamad ako nang konti do’n sa pangalawang album, pero sisipagan ko na siya ulit kasi nakakataba ng puso,” sey ni Enchong. (ADOR SALUTA)