LALONG lumakas ang ugong na si Coco Martin na ang susunod na mamumuno sa Kapisanan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT).
Parami nang parami kasi ang mga kasamahan sa industriya na humihikayat sa bida ng FPJ’s Ang Probinsiyano para tumakbo bilang pangulo ng actors guild.
May nagsabi pa sa amin na si Ms. Susan Roces pa nga raw ang ginagawang tulay ng mga artista na may gustong patakbuhin si Coco bilang KAPPT president.
Katwiran ng mga kumukumbinsi kay Coco, sa mga artista natin ngayon ay siya ang nakikitaan nila ng malasakit sa industriyang ginagalawan nila. Hindi na rin naman kasi sekreto na napakarami nang artista na nabigyan niya ng trabaho.
Pero ang sabi ni Coco, hindi ganoon kadaling pamunuan ang samahan ng mga artista. Hindi pa naman daw siya ganoon kahanda para sa naturang posisyon.
“Actually, may mga kasamahan tayo sa industriya na siguro nakikita nila, napupusuan nila na tumakbo ako bilang president ng actors guild. Pero nakatatakot ako at baka hindi pa po ako handa.
“Kumbaga, kilala ko ang sarili ko, eh. Hindi ko papasukin ang isang bagay kung wala naman akong magagawa,” sabi ng pinakasikat na actor ngayon.
Lahad pa rin ni Coco, kung sakaling handang-handa na siya sa nasabing posisyon at alam na niya sa sarili niya na malaki na ang magagawa niya at maitutulong sa mga kapwa niya artista, saka pa lang niya pagdedesisyunan ang bagay na ito.
“Sabi ko nga , ang gusto ko lang ngayon, eh, unti-unting makatulong sa mga kasamahan ko sa industriya,” sabi ng Primetime King.
Hindi namimili ng tinutulungang artista si Coco Martin. Kilala man siya o hindi ng mga ito, pinakaimportante sa kanya na nakakatulong siya sa mga medyo napapabayaan na ng industriya,
“Ako kasi hangga’t kaya kong tumulong, eh, tutulong tayo. Gusto kong ibahagi ang mga blessing na meron tayo ngayon.
Sana lang po, lalawak pa ang mga proyekto natin, para mas higit na marami pa tayong matutulungan sa industriyang ito,” banggit pa ni Coco. (JIMI ESCALA)