Patay ang isang barangay kagawad matapos tambangan at pagbabarilin ng mga suspek na lulan sa dalawang motorsiklo habang pauwi sa Barangay San Miguel, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Randy Ilagan, 37, barangay kagawad ng Barangay Sta. Lucia, at residente ng KM 16 Ortigas Avenue, Bgy. Sta. Lucia, dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat na natanggap ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong 6:15 ng gabi nangyari ang pamamaril sa M. Eusebio Street, Bgy. San Miguel.
Lumilitaw na katatapos lamang asikasuhin ng biktima ang kanyang business permit sa munisipyo at pauwi na lulan sa kanyang Mitsubishi Montero GLX (ASA-8591) nang harangin ng mga suspek at paulanan ng bala.
Ayon kay PO3 Higino Dancel, imbestigador ng Pasig City Police, nang matiyak na patay na ang target ay mabilis nang tumakas ang mga suspek patungo sa ‘di pa batid na direksiyon.
Samantala, inaalam na ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pamamaslang sa ilegal na droga dahil may koneksiyon umano noon ang biktima sa mga drug personalities. (Mary Ann Santiago)