Nalagutan ng hininga ang isang dalaga na umanoy asset ng pulis makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Melanie Bayani, 29, ng No. 103 B. Natividad Street, Barangay 81 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay PO3 Edgar Manapat ng Station Investigation Division (SID), dakong 3:00 ng madaling araw, nag-iinuman ang biktima at dalawa niyang kaibigan sa labas ng kanilang bakuran.
Makalipas ang ilang sandali, dumating ang dalawang armado na lulan sa motorsiklo at tinawag si Bayani.
“Base sa kuwento ng mga witness, nagtalo daw ‘yung babae at ang dalawang lalaki,” ani PO3 Manapat.
Sa gitna ng diskusyon bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at pinagbabaril si Bayani saka mabilis na tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Orly L. Barcala)