Walong mangingisda ang kumpirmadong nasawi habang pinaghahanap pa ang limang kasamahan ng mga ito na nagtalunan sa dagat makaraang pagbabarilin ng mga pirata ang mga tripulante ng bangkang pangisdang hulbot-hulbot na hinarang nito sa karagatang sakop ng Zamboanga City nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa report ng Philippine Navy ng Zamboanga City, sinalakay ng nasa 12 pirata na sakay sa apat na pump boat ang F/B NR habang naglalayag sa Siromon Island patungong Sangali fishing port sa Zamboanga City pasado 8:00 ng gabi nitong Lunes.

Binanggit sa report na kaagad umanong inihiwalay ng mga pirata ang limang Muslim na tripulante sa walong Kristiyanong mangingisda at inutusan ang lima na tumalon sa dagat.

Batay sa report, ginapos ng mga pirata ang walong mangingisda at pinagbabaril ang mga ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dalawa pa ang kumpirmadong nakaligtas at kinilalang sina Nomar Sakandal at Ervin Banaan.

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng walong mangingisdang pinaslang, habang kinukumpirma rin ang napaulat na pagkakaligtas sa limang tumalon sa dagat.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Maj. Filemon I. Tan, Jr., ang bangka ay pag-aari ng isang Mumar mula sa Sangali, at kinalululanan ng 15 katao.

Sinabi ni Tan na posibleng personal na galit sa pagitan ng dalawang grupo ng mga mangingisda ang motibo sa pagpatay, habang ikinokonsidera rin ang anggulong extortion.

“Base on initial reports we received fellow fishermen were behind the attack. Rido raw,” sabi ni Tan.

(FER TABOY at NONOY LACSON)