Pinaigting ng gobyerno ang kampanya nito laban sa mga dayuhang nagpapautang ng 5-6, upang matuldukan na ang pagsasamantala sa mahihirap.
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto at pagpapa-deport sa mga dayuhang sangkot sa nasabing matagal nang paraan ng pagpapautang, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.
“Sobra na ‘yan. Pautangin ng 5-6 (interest rate) tapos bentahan pa ng mahal na mga appliances. Patay talaga ang pobre d’yan,” ayon kay Piñol ay sinambit ng Pangulo sa Cabinet meeting nitong Lunes.
Inatasan ni Pangulong Duterte si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Jr. na ipaalam sa Indian Ambassador in the Philippines ang desisyon niya “to stop the usurious lending scheme in the Philippines,” ayon kay Piñol.
“They are violating Philippine laws by indulging in a money-making business without the necessary permits,” ani Duterte.
Sinabi ni Piñol na nasa 50,000 Punjabis na nakasakay sa motorsiklo ang nagtatakda ng mataas na interes sa ipinauutang nitong pera. Kapag humiram ng P5,000 ang isang tao, obligado siyang bayaran ang P1,000 buwanang interes na kinokolekta araw-araw.
“The very high interest rates, however, have resulted in hardships for the borrowers who could hardly pay up the loans,” sabi ni Piñol.
Kaugnay nito, sinabi ni Piñol na naglaan ang gobyerno ng paunang P1 bilyon upang magkaloob ng mas madaling pagpapautang sa maliliit na negosyante sa bansa.
Aniya, nangako ang Pangulo na maglalaan ng karagdagang pondo para sa pautang sa lahat ng rehiyon kapag nai-remit na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kinita ng mga ito. (GENALYN D. KABILING)