DAVAO CITY – Aabot sa 3,000 security forces ang ipakakalat upang masiguro ang kaligtasan ng mga opisyal mula sa Southeast Asia na dadalo sa paglulunsad ng ASEAN 2017 sa SMX Convention Center sa Davao City sa Linggo.

Ngunit, ayon sa Police Regional Office (PRO)-11, aabot sa 1,446 personnel na binubuo ng mga pulis at sundalo ang naipakalat na sa paligid ng lungsod.

Siniguro ng tagapagsalita ng Davao City Police Office na si Chief Insp. Catherine Dela Rey na magpapatupad ang mga pulis ng mas mahigpit na seguridad upang masiguro ang tagumpay ng ASEAN 2017.

Kamakailan lang, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na isa itong malaking oportunidad sa bansa para maipakita ang ganda ng Pilipinas.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Napakalaking opportunity ito para sa bansa natin na i-showcase ang kagandahan ng ating bansa sa buong mundo – kung gaano ka-orderly, gaano kadisiplinado para maipakita natin sa kanila kung bakit malakas ang ating ekonomiya – 7 percent – para mas marami pa tayong mahikayat na mga negosyante para mag-invest dito,” aniya.

“We are tasked to accept the challenge na at least by the end of November, kung kailan iyong pinaka-final na ASEAN Summit, maintindihan ng more than 50% of Filipinos kung ano ang ASEAN. ASEAN is very important, kasi mayroon pong 630 million population ang buong ASEAN,” pahayag ni Andanar.

Idinagdag niya na aabot sa 100 ministerial meeting ang isasagawa sa bansa sa kabuuan ng taon, bukod sa ASEAN Summit sa Abril, ang 50th ASEAN Ministerial Meeting and Related Meetings kasabay ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN sa Metro Manila sa Agosto, at ang ika-31 ASEAN Summit sa Clark Pampanga sa Nobyembre. (Antonio L. Colina IV)