Tinatayang aabot sa 1,200 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang kani-kanilang bahay sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Navotas Fire Station, bandang 4:00 ng madaling araw nang masunog ang mga bahay sa Market 3, Navotas Fishport ng nasabing lungsod.
Mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa Task Force Alpha at mahigit 30 fire truck ang rumesponde mula sa mga kalapit lungsod.
Naging balakid sa mga bumbero ang malakas na hangin dahilan upang umakyat sa 600 bahay ang nasunog.
Dakong 7:00 ng umaga tuluyang naapula ang apoy habang inaalam pa ang sanhi ng sunog gayundin ang kabuuang halaga ng ari-ariang natupok. (ORLY L. BARCALA)