Hihimukin ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ang tatlong iba pang kaalyadong bansa upang maibalik ang ilang event na inalis sa cycling kabilang ang women’s Individual Time Trial (ITT).

Ito ang napag-alaman kay national women’s coach Cesar Lobramonte matapos makausap ang ilan nitong kapwa opisyales sa internasyonal na asosasyon sa cycling na nagnanais ibalik ang tampok na event na isang Olympic event.

“Nakikipag-usap ang iba nating kakamping bansa para maibalik ang time trial. Bagamat alam nila na tayo ang kampeon sa event, gusto pa rin nila maisagawa ang karera dahil training na rin at isa iyon sa Olympic event,” sabi ni Lobramonte.

Nakatakdang mawala ang isang gintong medalya ng Pilipinas dahil hindi nito maipagtatanggol sa nakatakda nitong paglahok sa 29th Southeast Asian Games.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ito ay matapos alisin ang event ng ITT sa women’s cycling event kung saan nagtatanggol na kampeon ang Batang Pinoy discovery na si Marella Vania Salamat.

Sinabi pa ni Lobramonte na inaasahang mahihirapan ang tatlo kataong national women riders partikular na si Salamat na hindi na maipagtatanggol ang kanyang iniuwing gintong medalya sa kanyang unang paglahok sa kada dalawang taong torneo noong 2015 Singapore SEA Games.

“Pilit na gumagawa kami ng paraan upang maihanda ang PHI women riders sa naiwang dalawang event na Criterium at ang Road Massed Start race,” sabi ni Lobramonte.

Ang ITT ang paboritong event ng 22-anyos na Dentistry student sa University of the East na si Salamat bagaman nagawa nito magwagi ng tansong medalya sa ginanap na 2016 World University Cycling Championship sa women’s road race event na ginanap sa Tagaytay City.

Kaya naman apat na malalaking multi-stage na mga karera ang sasalihan ng Kuala Lumpur SEA Games bound na Philippine Women’s Cycling Team bilang parte ng international exposure upang maisakatuparan ang target nito na maiuwi ang alinman sa dalawang paglalabanang event.

Inimbitahan ang mga Pilipina riders na sumali sa BIWASE Cup na gaganapin ngayong Marso sa Vietnam, ang Princess Maha Chakron Sirindhorn Cup sa Abril sa Thailand, ang Juanita Jelajah sa Malaysia sa Mayo at panghuli ang karera sa Vietnam sa Hulyo.

Makakasama ni Lobramonte at Salamat ang iba pang miyembro na sina Avegail Rombaon at Irish Wong sa apat na torneo na parte ng pagsasanay nito para sa Malaysia Sea Games na gaganapin sa Agosto 19 hanggang 31.

Maliban sa apat na malaking karera, sisimulan din ng mga Pinay cyclists ang kampanya ngayong taon sa pagsikad sa Asian Cycling Championships sa Pebrero 24 hanggang Marso 3 sa Bahrain. (Angie Oredo)