NGAYONG 2017 na batay sa Chinese calendar ay Taon ng Tandang (Year of the Rooster), mukhang sasalubungin tayo ng taas-singil sa kuryente, panggatong (gasolina, diesel, kerosene, LPG), at tubig. Ganito ang bulalas-pahayag ng isang sikat na broadcaster na malimit na anchor tuwing umaga na malimit ding mapakinggan ng kaibigang Melo Acuna na malimit din niyang kantiyawan dahil sa pamali-maling bigkas at mga datos: “Tataas ang kuryente, tataas ang fuel, tataas ang tubig.”

Bulong sa akin ni Tata Berto: “Baka ibig sabihin ni broadcaster ay magtataas ng presyo ng kuryente, produktong petrolyo, tubig atbp. Nalimutan niya ang salitang “presyo” dahil pamali-mali nga, ayon kay Melo. Sabad ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Puro pagtaas ng presyo ang naririnig natin ngayon. Parang ang nawawalan ng balyu (value) ay ang buhay lang ng mga tao. Ang bumaba lang yata ay panty ng mga babae.” Tilaok, tilaok ng Tandang sa madaling araw.

Natawa si senior-jogger sa sundot na ito ni palabiro-sarkastiko: “Delikado rin ang laging pagbaba ng p*** ng babae dahil tataas din ang populasyon ng bansa. ‘Di ba ang projection ng PopCom ay aabot na sa 105.7 milyon ang ating populasyon sa Disyembre 2017?”. May katwiran si senior-jogger dahil pinigil ng Supreme Court ang implementasyon ng Reproductive Health Law (RHL) ng pamahalaan tungkol sa paggamit ng pondo upang ipambili ng contraceptives na ipamamahagi nang libre sa kababaihan para mapigil ang pagbubuntis.

Isa sa mga pangako ni President Rodrigo Roa Duterte noong May 2016 election ay ang pagpapatigil sa “Endo” o End of Contractualization tungkol sa karapatan ng mga manggagawa o kawani ng ano mang establisiyemento para hindi matanggal sa trabaho o security of tenure. Gayunman, tulad ng pangakong napako sa P2,000 SSS pension hike ng mga retiree, parang mapapako rin ang usapin ng “Endo”.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ipinasiya ng Department of Labor and Employment (DoLE) na i-defer muna ang implementasyon ng bagong polisiya ng gobyerno tungkol sa contractual employment. Nagrereklamo ang mga kawani dahil walang katatagan ang kanilang trabaho.

Wala silang benepisyong natatanggap sa pagiging contractual employees, tulad ng SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, atbp. Ang kontrata nila ay umiikot sa tatlo hanggang anim na buwan at pagkatapos nito ay tapos na rin ang trabaho.

Naninindigan ang Federation of Free Workers (FFW) na patuloy silang magla-lobby para sa adoption ng mga batas na magpapalakas sa karapatan ng mga manggagawa (security of tenure) at ma-criminalize ang labor-only contracting scheme at iba pang eskima tungkol sa kontraktuwalisasyon.

Sunud-sunod na kaso ang inihahain laban sa senadorang may “balls”, si Sen. Leila de Lima, kritiko ni President Rody.

Ang pinakahuli na inihain ng NBI sa DoJ ay hinggil sa mga kaso ng drug trafficking at graft laban kina De Lima, ng driver-lover niyang si Ronnie Dayan, at umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa.

Tatagan mo De5 ang walang puknat na banat sa iyo ni PDu30 dahil hindi ka niya tatantanan sapul nang imbestigahan mo siya sa Death Davao Squad (DDS) noong siya pa ang Davao City Mayor.

Kung sina Pres. Obama nga, UN Sec. Ban Ki-moon at EU ay lagi niyang binabanatan dahil sa isyu ng EJK at HRVs (human rights violations), ikaw pa kaya na isang pulitiko lamang sa ‘Pinas.

Samantala, itinanggi ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II ang alegasyon ni De Lima na si Mano Digong ang nasa likod ng NBP riot noong Setyembre, 2016 na ikinamatay ng isang high-value inmate at pagkakasaksak kay Jayvee Sebastian. Wala raw mapapala si PDu30 kung napatay si Sebastian dahil kung ito’y mananatiling buhay, maihahayag niya ang katotohanan tungkol sa illegal drug trade sa NBP na sangkot ang senadorang may “balls”. Sana ay hindi ito panibagong “hyperbole”.

(Bert de Guzman)