Lutong Macao ang inabot ni Pinoy boxer Jonathan Refugio nang ideklarang majority draw ang kanyang laban kay Japanese Seita Ogido sa loob ng 10 rounds para sa WBC Youth light flyweight title sa City Gym, Tomiqusuko, Okinawa, Japan.
Nakipagsabayan si Refugio kay Ogido sa kabuuan ng laban at siya ang nakalalamang sa suntukan kaya idineklarang nanalo ng isang Japanese judge sa iskor na 96-94.
Pero dalawang huradong Hapones ang nagdeklarang tabla ang laban sa mga iskor na 95-95 kaya majority draw ang naging resulta ng sagupaan at nanatiling bakante ang WBC Youth title.
Idineklara namang 8-round split draw ang laban ni Filipino super bantamweight Ryan Lumacad kay dating world rated Go Onaga sa undercard ng Refugio-Ogido bout.
Isang huradong Hapones ang pumabor kay Lumacad sa iskor na 77-76, umiskor ang isang judge na 77-75 para kay Onaga at ideklarang tabla ng isa pa ang laban sa 76-76 score kaya split draw ang resulta.
Natalo naman sa 8-round unanimous decision ang isa pang Pinoy boxer na si Rey Laspinas kay Masatoshi Kotani sa kanilang super featherweight bout. (Gilbert Espeña)