Hindi napigilan ng iniindang “depressed nasal fracture” ang San Miguel Beer playmaker Alex Cabagnot.
Sa kabila ng payo ng doktor na magpa-opera, pinili ni Cabagnot na maglaro at gumamit na lamang ng “facial mask” upang protektahan ang kanyang ilong.
Maliban sa suot na maskara, walang nagbago sa laro ni Cabagnot na nagtala ng average na 15.0 puntos, 4.5 rebound at 3.0 assist sa nakaraang dalawang laro ng Beermen na naging susi para tanghalin na unang Accel-PBA Press Corps Player of the Week awardee ngayong 2017.
Inungusan ng 34-anyos na si Cabagnot para sa lingguhang citation ang mga kakamping sina Arwind Santos at June Mar Fajardo, Rain or Shine guard Jericho Cruz, NLEX guard Carlo Lastimosa at GlobalPort high-scoring gunner Terrence Romeo.
Bagamat hindi kompoortable na maglarong may suot na maskara, nagawa ni Cabagnot magtala ng 10 puntos sa first period upang pag-initin ang San Miguel na magapi ang Blackwater, 118-93, noong Biyernes.
Dahil sa panalo, nakamit ng San Miguel ang unang playoff spot sa 2017 PBA Philippine Cup.
Nagtapos sa naturang laro ang University of Hawaii-Hilo standout na may 14 puntos at 9 rebound.
Dalawang araw kasunod nito, tinulungan ni Cabagnot ang San Miguel na makamit ang kalamangan matapos itala ang 9 sa kanyang kabuuang output na 16 puntos sa third period tungo sa 72-70 paggapi sa Barangay Ginebra, 72-70, na nag- angat sa kanila sa barahang 7-1, panalo- talo.
Kung pinili niya na magpaopera, mangangahulugan ito na hindi na siya makakalaro hanggang matapos ang Philippine Cup at ito ang ayaw niyang mangyari.
“And I’ll miss part of the Commissioner’s Cup (if he underwent surgery), but we’re in the middle of the season now and there are certain things you gotta do and you gotta take care of. Put the priorities at hand first,” ani Cabagnot. (Marivic Awitan)