ANG national budget para sa 2017 ay inaprubahan na ng Kongreso at pinirmahan na ni Pangulong Duterte pero may mga pagdududa na naglalaman pa rin ito ng “pork barrel” funds na napagpasiyahan nang unconstitutional ng Korte Suprema noong 2013.
Ang funds na ito ay tinatawag na “Priority Development Assistance Fund” (PDAF) sa lumang budgets. Bago ito inihinto sa pamamagitan ng desisyon ng Korte Suprema, ang halagang napapasakamay ng bawat congressman ay P70 milyon at P200 milyon naman sa bawat senador. Ginagamit ang mga ito bilang gugulin para sa tinatawag nilang “hard projects” tulad ng barangay roads at schoolhouses o “soft projects” tulad ng hospital assistance, scholarships, at training programs.
Pero idineklara na ng Korte Suprema na unconstitional ang PDAF dahil pinahihintulutan nito ang mga mambabatas na pakialaman ang pagsasagawa ng mga proyekto pagkatapos na maaprubahan ang mga ito sa Kongreso sa General Appropriation Act. Sa kaso ng public works projects, may partisipasyon ang mambabatas sa pagpili ng contractors — na maaaring may pondo na sadyang nakalaan upang maipanalo ang kontrata.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, bagamat walang tinutukoy na PDAF projects sa bagong budget, patuloy na mapapakialaman ng mga mambabatas ang pagpapalabas nito. Aniya, may dalawang senador – sina Vicente Sotto III at Francis Pangilinan – na nagsabi sa kanyang hinihingian na sila ng Department of Budget and Management ng listahan ng mga proyekto na isasama sa budget, pero hindi sila nagsumite ng anumang listahan.
Sinabi ni Lacson na ang nakatagong “pork barrel” ay maaaring kasama sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ngayong taon, ang gugulin ng DPWH ay nagkakahalaga ng P454.72 bilyon, mas mataas ng P9 bilyon kumpara sa P445.76 bilyon noong nakaraang taon. Ang naidagdag na P9 bilyon, sabi ni Lacson, ay maaaring nanggaling sa pondong nakalaan para sa ibang ahensiya, tulad ng Calamity Fund, na ngayon ay P15.75 bilyon na lamang gayong P37.25 bilyon ito noong nakaraang taon.
“After all these years that I and my staff scrutinized the budget books year in and year out, I know pork when I see it,” sabi ni Lacson. Gayunman, napakahirap patunayan kung ang isang mambabatas ay may partisipasyon sa isang proyekto.
Dapat nating papurihan ang pagpupursigi ni Senador Lacson at ang suportang ibinigay sa kanya nina Senador Sotto at Senador Pangilinan. Umasa tayo na dumating ang panahon ng pagkakamulat ng mas maraming mga senador at mas maraming congressman sa malawak na kabatiran ng pag-iwas ng kanilang sarili sa implementasyon ng public works projects, upang ang alokasyon ng mga pampublikong pondo ay makarating nang buo sa pangangailangan ng mga mamamayan sa halip na sa bulsa lamang ng iilan.