ISA sa nagpapatingkad sa Antipolo ay ang Hinulugang Taktak. Bukod pa ang Katedral ng Antipolo na dambana ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Dinarayo ng ating mga kababayan at ng mga turista, lalo na tuwing Mayo.

Minamasdan ang malinaw na tubig na bumabagsak mula sa talon at umaagos sa batis. Sa pagmamasid, naririnig din ang lagaslas ng tubig. Ang Hinulugang Taktak mula nang matapos ang magkatuwang na rehabilitasyon ng pamahalaang panlalawigan at ng pamahalaang lungsod, sa pangunguna nina Rizal Gov. Nini Ynares at Antipolo Mayor Jun Ynares at suporta at tulong ng mga taga-Rizal, ay muling binuksan sa publiko ang Bagong Hinulugang Taktak noong Pebrero 13, 2015.

Sa bahagi ng mensahe ni Rizal Gov. Nini Ynares, sinabi niya na ang rehabilitasyon ay simula pa lamang at nais niyang matupad ang laynin na maging tourist destination ang Rizal. Kung lalakas ang turismo, magkakaroon ng hanap-buhay ang mamamayan. Kasunod ng rehabilitasyon ang pagtatayo ng waste water treatment upang maging malinis ang tubig ng Hinulugang Taktak. Ayon naman kay Antipolo Mayor Jun Ynares, maaaring matagal pa ang katuparan na maibalik sa dati ang Hinulugang Taktak, ngunit natupad ang pagmumulat sa ating mga kababayan ang kahalagahan nito.

Ang Hinulugang Taktak, sa pamamagitan ng Proclamation No. 42, ay ipinahayag na nasa kategorya na ng Protected Landscape upang matiyak ang proteksiyon, patuloy na pagpapaunlad at rehabilitasyon nito. Malaking tulong sa Hinulugang Taktak ang inilunsad na Ynares-Eco System (YES) To Green Program ng pamahalaang panlalawigan na may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan. Kasama rito ang Hinulugang Taktak na itinuturing na natural at cultural heritage ng Antipolo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pagpapatuloy ng rehabilitasyon, ang isa sa karagdagang gawain ay ang pag-aayos ng mga dokumento ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo para sa itatayong mga bagong pasilidad sa Hinulugang Taktak. Kabilang dito ang hanging bridge, palaruan, mga konkretong upuan, karagdagang picnic hut o mga kubo at ang elevator.

Ayon kay Antipolo Mayor Jun Ynares, mahalagang mapanatili ang mga likas na yaman at tanawin tulad ng Hinulugang Taktak Protected Landscape. Naniniwala siya na ang malinis at magandang kapaligiran ay simbolo ng isang maunlad na komunidad o pamayanan. Hindi na kailangang gumastos pa ang mga Antipolenyo sa pamamasyal sapagkat libre at bukas sa publiko ang Hinulugang Taktak.

Sa muling pagbubukas ng Hinulugang Taktak noong Pebrero 2015, patuloy ang pagtaas ng bilang ng bisita na umaabot na sa mahigit 500,000 turista. (Clemen Bautista)