Mapupunta sa Philippine Basketball Association Players' Trust Fund na nagbibigay ng scholarships sa mga anak ng retired pro cagers ang natipon na P92,200 mula sa multa sa iba't ibang violations at offenses ng 17 players at isang coach sa nakalipas na tatlong playdate, anim na laro sa eliminasyon ng PBA Philippine Cup simula Disyembre 23 hanggang 28.

Sa inilabas na talaan ng liga ay nangunguna sa may pinakamataas na multa si Meralco power forward Cliff Hodge na magbabayad ng P20,000 sa flagrant foul penalty 1 na itinaas sa FFP2 matapos ang review sa pagsapol at ikinabasag ng ilong ni Alex Cabagnot ng San Miguel.

Ang rookie teammate ni Hodge na si Eduardo Daquioag, Jr. ay may P10,000 fine sa FFP1 (landing spot – second offense) sa game rin ng Bolts-Beermen may 11 araw na ang nakalilipas, habang P5,000 ang sinisingil kina Beermen Arwind Santos sa FFP1 (tripping with contact) at Ronald Tubid sa second offense flopping.

May P7,500 multa rin si Mark Borboran ng Phoenix Petroleum sa FFP1 (landing spot) noong Disyembre 28 din sa laro ng Fuel Masters sa GlobalPort, habang P1,000 si Batang Pier Rico Maierhofer sa technical foul sa panduduro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Multa rin ng P5,000 si Paul Dalistan Lee sa FFP1 sa laban ng Star sa Ginebra noong Pasko; P2,000 sa kakamping si Marc Pngris sa pag-alis sa playing court; P1,000 sa bagitong kakampi nilang si Jiovanni Jalalon sa panduduro sa game official at P1,000 sa kanilang coach na si Chito Victolero sa technical foul sa pag-angal.

Pinatawan din ng P7,500 fine si Rain or Shine player Ronnie Matias sa FFP1 (landing spot) at P5,000 kay Jay Washington sa FFP1 sa game ng Elasto Painters sa NLEX noong Disyembre 23 kung saan multado ng P5,000 si Road Warrior Glenn Khobuntin sa FFP1.

Magbabayad ng P8,000 ang TNT KaTropa newcomer na si Roger Pogoy FFP1 (pananahod sa manlalaro na buhat sa ere) laban sa Alaska samantalang P1,600 si Calvin Abueva sa technical foul sa maanghang na mga pananalita at si teammate Dondon Hontiveros ay P1,000 sa panduduro sa referee.

Idadagdag din ang P5,000 multa kay Mark Yee ng Mahindra sa FFP1 sa laban ng kanyang team sa Blackwater nung Christmas Day sa Philippine Arena. (Angie Oredo)