sylvia-at-joshua-copy

IBANG klaseng magmahal ng katrabaho si Sylvia Sanchez. Ipina-exclusive block screening niya ang gumaganap na apo niyang si Joshua Garcia sa seryeng The Greatest Love na may pelikulang Vince & Kath & James sa Director’s Club, Fashion Mall, SM Megamall nitong nakaraang Linggo na dinaluhan ng buong pamilya at mga kaibigan ng aktres.

Inakala namin noong una na nagpapasama lang manood ng sine si Ibyang, kasi wala pa raw siyang napapanood sa entries ng 2016 Metro Manila Film Festival dahil kadarating lang nilang magpapamilya galing sa kanilang pagdiriwang ng New Year sa London.

Alas tres ng madaling araw noong Linggo nag-text si Ibyang kung puwede raw namin siyang samahang manood ng Vince & Kath & James. Biniro namin kung magpapa-block screening siya, na sinagot kaagad niya ng, “hindi.”

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

Sabi namin, i-check niya kung mayroon pa sa Shangri-La Edsa Mall na madalas niyang panooran ng sine ang aktres dahil nga wala na sa ibang mall.

“Wala na, sa SM na lang tayo manood,” sagot sa amin.

Kalaunan, nagsabing dumiretso na lang kami sa Director’s Club na pinagtakhan namin. Pagdating namin sa venue, pawang kapamilya at mga kaibigan niya ang nadatnan namin at dumating na rin si Joshua na tuwang-tuwa.

Bati namin kay Ibyang, ‘Sabi ko na, nagpa-block screening ka, eh!’

“Bago kasi kami umalis for London, nagsabi si Josh ng, ‘Mommy La (tawag nito sa kanya sa The Greatest Love), ‘pag nanood kayo ng Vince & Kath & James na pamilya, sama n’yo ako, ha? Kasi gusto ko marinig ang comment mo, gusto ko malaman ano masasabi mo’,” kuwento ni Sylvia.

“’Tapos nu’ng December 24, pinapunta ko siya sa bahay kasi nag-iisa lang siya sa bahay niya, wala raw siyang kasama, kaya sabi ko, dito ka na mag-Pasko sa amin at dumating naman siya.

“Alam mo ‘yan, Reggee, ‘pag mahal ko ang tao, mahal ko... hanggang sa dulo, ipaglalaban ko ‘yan.

“Si Josh, apo ko na ‘yan, lahat ng naging apo ko sa mga teleserye ko, simula kay Choc (JM Ibañez), Ningning (Jana Agoncillo), Marco Masa (Super D), lahat sila mahal ko, itinuring ko nang apo. Si Josh ang panganay sa lahat.”

At nu’ng dumating daw ang aktres sa set ng The Greatest Love ay kaagad naglambing sa kanya si Josh kung ano pasalubong niya mula sa London.

“Sabi ko, maghintay ka, magugustuhan mo pasalubong ko, at iyon nga, nagulat siya na nagpa-block screening ako. Nakita ko ‘yung saya niya, sobra, nakakatuwa talaga si Josh.

“Sobrang malapit siya sa akin kasi siguro lumaking wala sa piling ng nanay niya, kasi lola at tiyuhing pari ang nagpalaki, siguro naghahanap siya ng nanay. Maraming ikinukuwento ‘yan, sobrang lambing ng batang ‘yan. Wala namang problema sa mga anak ko kasi gustung-gusto siya,”kuwento ni Ibyang.

Pagkatapos ng pelikula, sobrang tuwa ni Josh na yumakap ng mahigpit sa kanyang ‘Mommy La’ at sabay bulong, ‘My La, sa taping na lang natin mo sabihin ang comment mo, ha?’” Nahihiya siguro ang young actor dahil maraming nakapaligid sa kanila.

Grabe, ikatlong beses na naming pinanood ang Vince & Kath & James pero nitong huli lang kami naluha sa confrontation scenes ni Josh sa nanay niyang si Ina Raymundo. No wonder, naiyak din ang anak naming si Patchot nang mapanood ito dahil naka-relate siya.

Pag-alis ni Josh, dahil may lakad pa raw siya kasama ang taga-Star Cinema at personal assistant niya, saka namin tinanong si Ibyang kung anong comment niya sa apo-apohan niya.

“Malalim siyang umarte, marunong talaga ‘yung bata, kailangan lang ayusin ‘yung bitaw niya ng dialogue. Kasi nahahawig nga kay John Lloyd (Cruz), kaya siguro sinabihan niyang ‘next John Lloyd Cruz.’ Sabi ko nga kay Josh, mag-usap kami sa taping na lang (ng TGL),” pahayag ni ‘Mama Gloria’.

May hawig talaga kay Lloydie ang acting ni Josh sa pelikula, pero naniniwala kami na mababali niya ito dahil may likas siyang galing sa pagganap at bata pa naman na willing pa ring matuto. (REGGEE BONOAN)