Sa kabila ng seryosong banta mula sa mga grupong terorista, hindi natinag ang pananampalataya ng milyun-milyong Pilipino na muling dumagsa sa taunang Traslacion para sa kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno sa Maynila, kahapon.
Nanindigan ang ilan sa mga nakibahagi sa Traslacion kahapon na higit na nanaig ang kanilang pananampalataya kaysa pangamba sa anumang banta sa kanilang kaligtasan.
“Eighteen pa lang ako ay deboto na ako ng Nazareno. Humingi ako ng tulong sa Kanya dati, at hindi Niya ako binigo. Ito lamang ang tanging paraan na mapapasalamatan ko Siya,” sinabi sa Balita ni Angelica Dumatag, 69, na nakayapak na naglakad mula sa Sta. Maria, Bulacan, sa gitna ng matinding sikat ng araw upang makibahagi sa Traslacion na sinimulan sa Quirino Grandstand.
Ipinanalangin sa Nazareno ang paggaling ng kaisa-isa niyang anak noong bata pa ito, sinabi ni Dumatag na nananaig ang pananampalataya niya sa Diyos higit sa ano pa mang banta.
“Isa akong Soldier of God,” ani Dumatag. “Mas matatag po ang pananampalataya ko sa Diyos. Alam ko pong proprotektahan Niya kami.”
Gaya ni Dumatag, pasasalamat din sa Poon ang layunin ng pamamanata ni Christina Nobelas, 44, ng Tondo, Maynila.
“Wala na po akong mahihiling sa Diyos. Narito lamang po ako para magpasalamat sa Kanya,” sabi ni Nobelas, na ipinagdasal din sa Nazareno ang paggaling ng kanyang asawa. “Kahit may mga banta man ng terorismo, hindi kami papatinag. Handa kaming mamatay.”
LIBU-LIBO ANG NASAKTAN
Sa paunang taya ng awtoridad, naging mapayapa ang Traslacion 2017, bagamat libu-libo ang bahagyang nasaktan at nasugatan.
Sa tala ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO), bandang 9:00 ng umaga pa lamang ay mahigit 200 katao na ang nagtamo ng minor injuries at bahagyang nasaktan dahil sa prusisyon; mayroong nagtamo ng bukol, pasa, galos, gasgas, pilay, nahilo, naipit, nabalian ng buto at iba pa.
Batay sa datos ng Philippine Red Cross (PRC) Black Nazarene Operations, may kabuuang 1,048 pasyente ang natulungan hanggang 3:00 ng hapon kahapon, at pinakamarami ang naitala sa first aid station sa Liwasang Bonifacio.
Madadagdagan pa ang nasabing bilang sa pagpapatuloy ng prusisyon hanggang kagabi.
KAKAIBANG PANATA
Dalawang menor de edad naman ang na-rescue ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang tumalon sa Pasig River ilang oras bago sumampa sa Jones Bridge ang andas.
Ayon kay PCG-Pasig Station deputy commander Mizar Cumbe, dalawang binatilyo, edad 15 at 11, ang tumalon sa pagitan ng McArthur Bridge at Quezon Bridge dakong 9:00 ng umaga bilang bahagi umano ng panata ng mga ito sa Nazareno.
Nabatid na bago simulan ang Traslacion ay pinangunahan ni Monsignor Ding Coronel, kura paroko ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, ang morning prayer at bandang 5:17 ng umaga ay inilipat na ang Poon sa andas para sa pagsisimula ng prusisyon eksaktong 5:30 ng umaga.
Bagamat mabagal ang usad ng prusisyon dahil sa pagsisiksikan ng mga deboto, mas mabilis pa rin ito kumpara noong nakaraang taon, ayon sa organizers.
MAKALAT PA RIN
Habang pabalik sa Quiapo Church ang prusisyon, sinabi ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na nakasunod dito ang 600 street sweeper, katuwang ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang volunteers ng simbahan at environmental groups.
Sa kabuuan, dalawang dump truck ng basura ang kaagad na nahakot ng mga tauhan ng MMDA, Manila City’s Department of Public Services (MCDPS) at volunteer groups sa Dasmariñas Street pa lamang.
BANTAY-SARADO
Naging mahigpit din ang ipinatupad na seguridad sa Traslacion sa pagpapakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 5,700 pulis, bukod pa sa mga sundalo, sa mga daraanan ng prusisyon.
Sa taya ng NCRPO bandang 1:00 ng hapon, umabot sa 1.4 milyon ang nakiisa sa Traslacion, ngunit inaasahang lolobo pa ito habang umuusad ang prusisyon papasok sa Quiapo Church.
Tinanggal din ang signal ng komunikasyon sa Maynila upang hindi magamit ng mga nais maghasik ng kaguluhan.
Kaugnay nito, pinalawig naman ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 ang biyahe nito kahapon, na nagsimula ng 4:30 ng umaga at mula sa dating hanggang 10:00 ng gabi ay bumiyahe pa hanggang 11:00 ng gabi para makapagsakay ng mas maraming deboto. (JEL SANTOS, MARY ANN SANTIAGO, CHARINA ECHALUCE, ARGYLL GEDUCOS at BELLA GAMOTEA)