TOLEDO CITY, Cebu – Sinalanta ng bagyong ‘Auring’ ang katimugang Cebu nitong Linggo, na nagdulot ng pagbaha sa iba’t ibang barangay na ikinamatay ng isang 15-anyos na babae sa Toledo City, habang daan-daang pamilya naman ang inilikas.

Kinilala ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ang nasawi na si Hanna Villaflores, 15, taga-Barangay Landangan, Toledo City. Tinangay siya ng rumaragasang baha habang tumutulong sa pagkukumpuni sa bahay ng kanyang pamilya. Malapit sa sapa ang bahay ng pamilya Villaflores.

Ayon kay PDRRMC Head Baltazar Tribunalo, tinangay ng baha ang dalagita na natagpuang wala nang buhay sa kalapit na Bgy. Ibo.

Sinabi ni Tribunalo na isolated pa rin ang dalawang nabanggit na barangay sa Toledo City hanggang kahapon ng tanghali dahil sa pagguho ng lupa na humarang sa mga pangunahing kalsada. Ipinakalat na rin ang mga rescue at clearing team sa mga barangay ng Kapitan Claudio at Tangbangkog.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Suspendido rin ang mga klase sa Cebu kahapon, maliban sa Cebu City.

Batay sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), unang nag-landfall ang Auring sa Siargao Island sa Surigao del Norte, bago muling nanalasa sa Bohol.

Dahil dito, isinailalim sa Signal No. 1 ang Cuyo Island, Bohol, Siquijor, Negros provinces, Southern Leyte, Cebu, kabilang na ang Camotes Island, Guimaras, Capiz, Iloilo, katimugang Antique, Agusan del Norte, Surigao del Norte, kabilang ang Siargao Island, Dinagat Province, Misamis Oriental, at Camiguin.

Humina naman ang Auring at naging low pressure area (LPA) na lang makaraang tumawid sa Visayas at Mindanao.

Sa taya ng PAGASA, bukas ng umaga ay nasa layong 65 kilometro timog-timog kanluran na ng Iloilo City ang Auring; at sa Miyerkules ay tinatayang nasa layong 85 kilometro silangan-hilagang silangan ng Puerto Princesa City sa Palawan na ito.

Ayon sa PAGASA, kung hindi magbabago ang direksiyon ng bagyo ay tuluyan na itong makalalabas sa Philippine area or responsibility (PAR) sa Biyernes ng umaga. (Mars W. Mosqueda at Rommel P. Tabbad)