MATAAS pa rin ang approval rating ni Pangulong Digong. Ayon sa huling survey ng Pulse Asia, 83 porsiyento ng mamamayan, o 8 sa 10, ang kumakatig sa kanyang ginagawa. Nagpasalamat ang Malacañang sa nabanggit na resulta ng survey at sinabing nagpapatunay lamang ito na nananalig ang mamamayan sa Pangulo, lalo na sa kanyang pakikidigma laban sa ilegal na droga.
Kaya asahan natin na magpapatuloy ang mga pagpatay at napapatay.
Kasi, may mga palusot na ang Pangulo kung bakit hindi niya masusugpo ang krimen at droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan tulad ng kanyang ipinangako nang siya ay nangangampanya sa panguluhan.
Nang mangako raw siya, hindi pa niya alam kung gaano kalaki at kalawak ang problema. Ngayong Pangulo na siya saka niya napagtanto na grabe raw pala ito, dahil mismong mga nasa gobyerno ang sangkot dito. Kaya, aniya, ipinagpaliban niya ang barangay elections dahil ang alam niya raw na mananalo lang ay ang mga may magagamit na drug money.
May inilabas na siyang makapal na listahan ng mga nasa gobyerno, lalo na iyong mga pulitiko na sangkot sa droga.
Bunga raw ito ng masusing pag-aaral sa mga impormasyong nakalap ng intelligence agencies.
Kaya paulit-ulit lang na masasaksihan natin o mababalitaan ang mga insidenteng tulad ng nangyari sa batang babae na habang naghihintay na magsimula ang Simbang Gabi ay tinamaan ng ligaw na bala. Ang balang tumama sa kanya ay nakalaan sa taong hinahabol ng pulis na sangkot daw sa droga.
Gaya rin ng nangyari sa limang batang nasa loob ng bahay sa Caloocan na pinaulanan ng bala upang masiguro ng mga pulis na napatay nila ang talaga nilang pinupuntirya.
Itong huli, sa Caloocan din, nang banatan ng mga pulis ang isang 17-anyos na nakaistorbo sa kanilang paghahabol sa stepfather nito, na umano ay sangkot sa droga.
Sa Luneta, isang araw bago ang Traslacion, nagtipon ang mga deboto. Kapuna-puna ang paglabas ng mga tarpaulin na kinokondena ang extrajudicial killing.
Sa paglipat ng Poong Nazareno mula sa Luneta Grandstand patungong Simbahan ng Quiapo, milyun-milyong deboto ang naghatid sa imahen. Sa... kabila ito ng mga kumalat na balita bago ang Traslacion na baka guluhin ito ng mga terorista.
Pero ang matibay na pananalig ng mga deboto sa Mahal na Poong Nazareno ay hindi natinag. Maitanong nga: Ito kayang milyun-milyong deboto na nananalig sa Poong Nazareno ay kabilang sa 83 porsiyentong pumapabor sa pagpatay ng mga tao bilang paraan ng pagsugpo sa problema sa ilegal na droga? (Ric Valmonte)