Milyun-milyong kataong nakayapak ang magpapapakita ng kanilang malalim pananampalataya sa Itim na Nazareno na ipuprusisyon sa mga lansangan ng Quiapo sa Maynila ngayong araw.
Ang taunang prusisyon o traslacion ay tumatayong simbolo ng masidhing debosyon ng mga Katoliko sa bansa.
Mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, uusad ang prusisyon patungo sa simbahan ng Quiapo, isang paglalakbay na tianatayang tatagal hanggang madaling araw ng Martes dahil sa dami ng sasali at kitid ng mga dadaanan.
Ayon sa mga awtoridad, papalo ng 18 milyon ang sasali sa traslacion ngayong taon, mas marami ng tatlong milyon sa sumali sa prusisyon noong 2016.
Simula 2007 ay ginaganap ang traslacion mula sa Rizal Park, matapos ang pahalik.
Ngayong taon, may halong pangamba ang pagdiriwang ng traslacion dahil sa mga balitang maghahasik ng kaguluhan ang mga grupong terorista.
Ngunit masugid naman ang pagtanggi ng awtoridad sa mga nasabing banta.
Ang imahen ng Poon, na gawa sa kahoy, ay dinala sa Maynila ng mga prayleng Augustinian mula sa Mexico noong Mayo 31, 1607.
Una itong inilagak sa isang kapilya sa Bagumbayan, na ngayo’y Rizal Park, bago inilapat sa mas malaking simbahan sa Intramuros noong 1608.
Taong 1787 nang ilipat ang imahen sa Quiapo church. Doon ay dinaanan nito ang tatlong sunog, dalawang malalakas na lindol at ang giyera sa Maynila noong 1945.
Ang selebrasyon ngayong araw ay sumasariwa sa paglipat ng imahen ng Poon sa Quiapo mula sa Intramuros.
Upang makatiyak na walang mangyayaring karahasan ngayong araw ay ipinatupad pulisya ang gun ban sa Maynila.
Sa ilalim ng gun ban, kanselado ang lahat ng permit to carry (PTC) firearms ng mga gun owners kaya’t hindi nila maaaring dalhin sa labas ng bahay ang kanilang mga baril kahit lisensiyado ang mga ito.
Inaasahan namang magtatagal ang gun ban hanggang 8:00 ng umaga ng Martes.
Tanging mga unipormadong pulis, sundalo at security guard na naka-duty ang pahihintulutang magdala ng armas.