KILALANG mga personalidad sa bansa at Cordillera na iginuhit sa pamamagitan ng sikat ng araw ang itinampok ng sikat na solar painter na si Jordan Mang-osan sa kanyang exhibit sa gallery ng Tam-awan Village’s Garden in the Sky, ang isa sa mga dinadayong tourist destination sa Baguio City.
Ilan sa mga ipinagmamalaking obra-maestra ni Mang-osan ang malaking solar paintings kay Pangulong Rodrigo Duterte; sa mixed martial arts champion Igorot fighter na si Edward Folayang; sa sumikat na si Carrot Man; ang walang kamatayang larawan ni Mona Lisa; ang larawan ng kilalang pinakamatandang mambabatok ng Kalinga na si Whang-od at maraming iba pa.
Hindi lamang sa mga Pinoy maipapagmalaki ang mga solar painting na ito, dahil tutunghayan din ang mga obra ni Mang-osan ng 33 kandidata ng Miss Universe na bibisita sa Baguio City sa Enero 18.
Bukod sa solar, ay may painting na ginawa din si Mang-osan sa pamamagitan ng graphite at electric pyrography.
“Isang malaking karangalan sa kagaya kong artist na makapiling ang mga kandidata sa kanilang mga activities sa pagbisita sa ating siyudad,” pahayag ni Mang-osan, kasalukuyang presidente ng Tam-awan Village Artist sa ilalim ng Chanum Foundation.
Tanging si Mang-osan ang inimbita ng Hotel and Restaurant Association in Baguio (HRAB), na siyang host ng Miss Universe sa Baguio, para i-display ang kanyang likhang-sining sa gallery ng Baguio Country Club, para ipagmalaki sa mga bisita ang kahusayan ng mga Cordilleran sa larangan ng sining.
Nakatakda rin siyang gumawa ng on the spot solar painting ng Miss Universe sa Enero 18, na isa sa magiging aktibidad ng mga kandidata sa kanilang isang araw na pagbisita sa lungsod. (RIZADY COMANDA)
[gallery ids="217290,217291,217293,217294,217295,217300,217299,217298,217297,217296"]