psc-board-copy

Upang mas lalong magpunyagi na magwagi sa iba’t ibang lalahukang internasyonal na torneo ay nais na kilalanin at bigyan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng insentibong P1 milyong cash ang tatanghaling pinakamagaling at pinakaproduktibong National Sports Associations (NSAs) simula 2017.

Ito ang sama-samang inihayag ng PSC Board sa pagtatapos ng dalawang araw na PSC-NSAs Directional Meeting na ginanap sa Tagaytay Highlands sa Cavite upang bigyang inspirasyon ang kabuuang dumalo na 35 pangulo at secretary general ng mga NSA’s.

“Starting this year, the PSC Board will have a grant of award amounting to P1M to Most Outstanding NSA, to be given on the occasion of the next PSC anniversary,” sabi ni PSC Chairman William Ramirez.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Agad na umani ng reaksiyon sa mga nagsidalong opisyales ang pahayag ng pamunuan ng PC kung saan nagsuhestiyon ang iba na hatiin na lamang ang P1 milyon para sa tatlong lulutang na pinakamagaling na asosasyon matapos ang kampanya sa buong taon.

“It was supposed to be isang NSA lang ang mananalo, but hiniling ng mga opisyales na hatiin sa tatlo so pag-uusapan pa namin sa Board kung ang Best NSA ay P500,000 habang ang ikalawa ay P300,000 at ang ikatlo ay P200,000 naman,” sabi naman ni PSC Commissioner Ramon Fernandez.

Maliban sa inisyal na criteria na mapagwawagiang medalya sa mga sasalihang torneo sa loob at labas ng bansa ay inihahanda pa ng PSC Board ang iba pang karagdagang batayan para sa pagpili.

“We are looking at their performance first local and international, and then siguro iyung implementation ng kanilang programa, human development, welfare of athletes and coaches, depende pa sa kung ano ang mga mapagkakasunduan,” sabi naman ni PSC Commissioner Celia Kiram.

Umaasa naman si PSC Commissioner Charles Maxey na makapagbibigay ng dagdag na motibasyon ang insentibo bilang Most Outstanding NSA sa lahat ng mga pangulo at opisyales ng mga organisasyon upang abutin ang kanilang pinakaultimong mga programa katulong ang ahensiya.

“Our NSA’s, hindi lamang ang mga atleta at coaches, needed also motivation at additional inspiration and we hope that with this incentive, they could further work as a team and one family to reach maybe the highest award given to an association,” sabi nito.

Kumpiyansa naman si PSC Commissioner Arnold Agustin na magiging hamon sa lahat ng mga NSA’s ang kanilang sama-samang desisyon upang ipamalas at maipakita ng kakanyahan ng kanilang atleta, husay ng programa, abilidad ng mga opsiayles at pamamahala sa pagpapatakbo sa asosasyon. (Angie Oredo)