nokia-6-reuters-copy-copy

Inihayag ng HMD Global, ang Finnish company na nagmamay-ari ng lahat ng karapatan para gamitin ang Nokia brand sa mobile phone, noong Sabado ang unang smartphone nito, target ang Chinese users sa presyong 1,699 yuan ($246).

Minamarkahan nito ang unang smartphone na taglay ang pangalan ng iconic handset simula 2014 nang ipagbili ng Nokia Oyj ang buong handset unit nito sa Microsoft.

Ang bagong device, tinawag na Nokia 6, ay gagana sa Android platform ng Google at ginawa ng Foxconn. Eksklusibo itong ibebenta sa China sa pamamagitan ng online retailer na JD.com, ayon sa HMD.

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

“The decision by HMD to launch its first Android smartphone into China is a reflection of the desire to meet the real world needs of consumers in different markets around the world... it is a strategically important market,” saad sa pahayag ng HMD.

Ang Nokia ang dating nangungunang cellphone maker sa mundo.

Nitong Disyembre, nakuha ng HMD ang pamamahala sa feature phones business at licensing deal ng Nokia na nagbigay dito ng solong karapatan na gamitin ang pangalang Nokia sa lahat ng phone at tablet nito sa susunod na dekada.

Sinabi ni HMD CEO Arto Nummela, dating responsable sa sales and product development ng Nokia, na nilalayon ng HMD na maging isa sa pangunahing competitive players sa smartphone business. Haharapin nito ang matinding kompetisyon sa mga kasalukuyang naghahari na Apple at Samsung at iba pang karibal.

Inilunsad ng HMD ang ilang bagong Nokia basic phone nitong nakaraang taon. Target ng kumpanya na mailunsad ang mas marami pang produkto sa unang bahagi ng taong ito.