BUTUAN CITY – Kasabay ng pagsisimula ng pananalasa ng bagyong ‘Auring’ sa Caraga region, nasa 1,100 pamilya o may 5,000 katao ang sinimulan na ring lumikas nitong Sabado ng hapon at inaasahang dadami pa ang apektadong pamilya.

Nagsagawa na rin kahapon ang iba’t ibang disaster risk reduction and management council (DRRMC) ng force evacuation sa mga residente sa mga lugar na bahain at delikado sa pagguho ng lupa sa iba’t ibang panig ng rehiyon.

Karamihan sa libu-libong evacuees ay nakatuloy na ngayon sa mga evacuation center sa Surigao del Sur, Agusan del Sur, Surigao del Norte at Butuan City.

Ayon sa regional monitoring and action center ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagsimula na rin kahapon ang pamamahagi ng mga emergency family food pack (FFP) sa pitong munisipalidad at 12 barangay para sa 719 na pamilya o 2,992 indibiduwal.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

LAHAT NG KLASE SUSPENDIDO

Kanselado na rin ang lahat ng klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa limang lalawigan at anim na siyudad sa Caraga region hanggang ngayong Lunes dahil sa bagyong Auring, ang unang bagyong nanalasa sa bansa ngayong taon.

Batay naman sa paunang ulat, sinabi ni Engr. Danilo E. Versola, director ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Region 13, na hindi na rin madaanan kahapon ang national highway sa Bah-Bah-Talocogon area sa Agusan del Sur dahil sa pag-apaw ng mga sapa at ilog.

LIBU-LIBO STRANDED

Samantala, nasa 670 pasahero at 76 na rolling cargo naman ang stranded sa Lipata Port, 63 pasahero sa Macapagal Port, parehong sa Surigao City; at 1,002 pasahero sa Nasipit International Sea Port sa Nasipit, Agusan del Norte makaraang pansamantalang suspendihin ng Coast Guard at Maritime authorities ang paglalayag ng mga barko at iba pang sasakyang pandagat na biyaheng Luzon, Visayas, Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Stranded din ang ilang pasahero sa Ormoc City Port sa Leyte kasunod ng pagsuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat na patungong Cebu City.

RESPONDE NAKAHANDA

Inalerto na rin ng DSWD-Region 13 ang Quick Response Team (QRT) nito upang 24-oras na ma-monitor ang rehiyon sa pananalasa ng Auring, na inaasahang magla-landfall sa lugar kagabi o ngayong Lunes ng umaga, batay sa taya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Naka-“Blue Alert” naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa Auring.

Ayon kay Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC Executive Director at OCD Administrator, dakong 10:00 ng umaga kahapon nang matukoy ang Auring sa 75 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may lakas ng hanging aabot sa 55 kph malapit sa gitna at bugsong nasa pitong kilomero kada oras.

Ngayong Lunes, inaasahang ang Auring ay nasa 45 kilometro hilaga-kanluran ng Butuan City, Agusan del Norte; sa Martes ay nasa 130 km sa katimugan ng Cuyo, Palawan; at sa Miyerkules ay nasa 140 km kanluran-hilaga-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.

Itinaas ang Signal No. 1 sa Bohol, Siquijor, Negros Provinces, Southern Leyte, Cebu, Guimaras, katimugang Iloilo at katimugang Antique.

Sa Mindanao, Signal No. 1 rin sa Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte kabilang ang Siargao Island, Dinagat Province, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Bukidnon, Camiguin, Davao del Norte, Northern Davao Oriental, Northern Zamboanga del Norte, Lanao del Norte, Northern Lanao del Sur at Compostela Valley.

(MIKE CRISMUNDO, NESTOR ABREMATEA, BELLA GAMOTEA at FRANCIS WAKEFIELD)