LIMAY, Bataan – Nangako ang pamahalaang panglalawigan ng Bulacan na tutukuyin ang pinagmulan ng biglaang pagkalat ng iba’t ibang sakit sa mga residente malapit sa isang coal-fired power plant, samantalang itinanggi naman ang Petron Corp. na may kinalaman ito sa ash fall sa Bataan, na higit na ikinagalit ng mga residente.

Ayon kina Geoff Loyola, information officer ng Bataan; at Vic Ubaldo, Community Environment and Natural Resources officer, bagamat sumusuporta ang lalawigan para sa maayos na operasyon ng lahat ng kumpanya sa probinsiya, “our governor Abet Garcia is also protecting the interest and health of the people of Bataan.”

Ito ay kasunod ng pagrereklamo ng mga residente malapit sa Petron Refinery sa Limay ng iba’t ibang karamdaman, gaya ng sakit sa balat, hirap sa paghinga at iba pa dulot ng abo na nagmumula umano sa kumpanya.

Itinanggi naman ng Petron na may kinalaman ito sa pagkalat ng bottom ash, na ginagamit bilang back fill para sa planta.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Kasabay ng pagkakasa ng imbestigasyon, ipinag-utos nitong Biyernes ni Environmental Management Bureau (EMB) Head Lormelyn Claudio sa coal power plant ng Petron sa Limay na itigil ang pagtatambak ng bottom ash hanggang hindi napatutunayang wala itong idinudulot na panganib.

Ayon kay Ubaldo, sa paunang pagsusuri ay natukoy na hindi delikado ang bottom ash. Gayunman, natuklasan ng Multi Party Tripartite Team na lumagpas ang normal allowable limit nito, gaya naman maituturing na mapanganib batay sa global imposed limit, ayon pa kay Ubaldo. (Mar T. Supnad)